14,437 total views
Lubos ang pasasalamat ni Bahay ng Diyos Foundation Inc Foundress Noemi Saludo sa Bishop Jorge Barlin Golden Cross Award na iginawad ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ayon kay Saludo hindi nito inaasahang pararangalan at kilalanin ang kanyang gawain at adbokasiyang tumulong sa pagtatag ng mga kapilya at simbahan sa buong bansa.
Binigyang diin nitong mas paiigtingin ang kanyang hangaring matulungan ang kristiyanong pamayanan na magkaroon ng bahay dalanginan at makahikayat pa ng ibang indibidwal na handang maglaan ng panahon, talento at yaman para sa pagtatayo ng mga simbahan.
“Ako po ay nagpapasalamat sa CBCP lalo na sa permanent council who selected me as the awardee for this year. My mission is always to look for more benefactors to come in to help the chapels, especially those who are in remote areas who don’t have the means,” pahayag ni Saludo sa panayam ng Radyo Veritas.
Iginiit ni Saludo na ang kanyang misyon sa BDF ay para tulungan ang mahihirap na komunidad sa kanayunan na nangangailangan ng tulong lalo na sa lugar kung saan magbubuklod ang pamayanan para sa pagpupuri at pasasalamat sa Diyos.
Sa ikalawang araw ng CBCP Retreat at National Synodal Consultations pinangunahan ni CBCP President, Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang pagparangal kay Saludo sa misang pinangunahan sa Cathedral Shrine-Parish of Saint Joseph sa Tagbilaran City, Bohol.
Nanindigan si Saludo na mananatili ang kanyang misyon at adbokasiyang lingapin ang mahihirap na komunidad sa pagtatag ng mga simbahang makatutulong sa espiritwalidad ng mamamayan.
“Yung mga mahihirap nating kapatid na nalalayo sa Diyos kailangang tulungan na magkaroon ng simbahan nang sa ganun sa panahon ng kanilang kahirapan makakalapit sila at may kanlungan na tahanan ng Diyos,” dagdag ni Saludo.
Ang BDF ay non-profit organization sa Pilipinas na pangunahing misyong tumulong sa pagsasaayos at pagpapaganda ng mga simbahan at iba pang liturgical spaces sa bansa.
Unang tinulungan ni Saludo ang rehabilitasyon sa isang simbahan sa Pangasinan noong 2006 habang sa unang limang taon ng BDF ay umabot sa 43 simbahan ang naisaayos sa buong bansa kung saan 70 porsyento sa kabuuang kakailanganing pondo ang ibibigay ng foundation at ang nalalabing 30 porsyento naman ang sasagutin ng mga nasasakupang pamayanan.
Ang Bishop Jorge Barlin Cross Award ay ipinangalan ng CBCP sa kauna-unahang paring Pilipino na itinalagang obispo at iginagawad sa mga layko at lingkod ng simbahang may natatanging gawaing ginampanan sa buhay at misyon ng simbahang katolika sa Pilipinas.
Ilan sa mga tumanggap nito sina Atty. Sabino Padila, Jr.; Fr. James Reuter, SJ; Fr. Anscar Chupungco, OSB; Atty. Mariua Concepcion Noche; at, Fr. Sebastiano D’Ambra, PIME.