21,028 total views
Nanindigan ang Coalition Against Death Penalty (CADP) laban sa patuloy na mga panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Ito ang bahagi ng pahayag ni CADP President Karen Lucia Gomez-Dumpit sa paggunita sa World Day Against the Death Penalty ngayong ika-10 ng Oktubre 2025.
Ayon sa pahayag ng CADP, nananatiling hindi makatao at labag sa dangal ng isang indibidwal ang parusang kamatayan sapagkat ito ay isang anyo ng karahasan at pagpaslang na hindi nagdudulot ng tunay na katarungan.
“On this World Day Against the Death Penalty, we join the global community in affirming a simple but profound truth: The death penalty is an inhumane practice. It is torture. The death penalty protects no one because of a flawed and corrupt justice system. Anyone is vulnerable. It neither heals the wounds of violence nor delivers true justice. Instead, it perpetuates cycles of violence and vengeance, deepens social inequality, and threatens the dignity of every human life.” Bahagi ng pahayag ng koalisyon.
Binigyang-diin din ng CADP na sa halip na wakasan ang karahasan ay lalo lamang palalalimin ng parusang kamatayan ang paghihiganti, kawalang katarungan, at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Dagdag pa ng CADP, ang patuloy na panawagan para ibalik ang death penalty sa bansa ay nagpapakita ng kabiguan ng sistema ng katarungan sa bansa na nagpaparusa sa mahihirap habang pinoprotektahan ang makapangyarihan.
“Recent calls to revive capital punishment often arise in the name of justice. But history reminds us that justice must not be selective. To condemn with the calls for death penalty those who rob the nation of its future, who steal not just money but lives through systemic corruption only expose the reality and inconsistency of a justice system that redounds to punishing the poor and the powerless with death while shielding the powerful with impunity.” Dagdag pa ng CADP.
Mariing iginiit ng koalisyon na ang parusang kamatayan ay hindi katanggap-tanggap sapagkat nilalapastangan nito ang kabanalan at kasagraduhan ng buhay gayundin ang kakayahan ng bawat tao na makapagbago kung saan binigyang diin rin ng CADP na hindi tunay na natutugunan ng death penalty ang tunay na ugat ng kriminalidad sa lipunan.
Giit ng Coalition Against Death Penalty mas dapat na isulong sa bansa ang restorative justice na isang uri ng katarungang nagbibigay-diin sa pagpapagaling, pananagutan, at pagbabalik ng dangal hindi lamang sa nagkasala kundi pati sa mga biktima at sa buong komunidad.
“The death penalty is inadmissible. It violates the sanctity of life and the possibility of redemption. We call for the abolition of this cruel punishment and advocate for restorative justice that seeks accountability. The death penalty does not deter crime. It does not address the root causes of violence and corruption. It does not make our communities safer.” Ayon pa sa CADP.
Kasabay ng paggunita sa Prison Awareness Month ngayong Oktubre, na may temang “Our Merciful God Proclaims Hope for Us Sinners and Restores Dignity of Persons Deprived of Liberty,” ay muling pinagtibay ng koalisyon ang panawagan ng Simbahan para sa pagkilala sa dignidad ng bawat bilanggo.
Layunin ng Coalition Against Death Penalty na hikayatin ang mga mambabatas, mga lider ng iba’t ibang pananampalataya at Kristyanong denominasyon, at mga mamamayan na magkaisa sa pagtataguyod ng makatao, makatarungan, at maka-Diyos na sistema ng katarungan para sa kapayapaan at kabutihan ng sambayanan.




