2,052 total views
Muling umaapela sa mga mambabatas ang samahan ng mga katolikong paaralan kaugnay sa panukalang pagbabawal ng no-permit, no-exam policy sa mga paaralan.
Ayon kay Jose Allan Arellano-executive director ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) sa tuition fee lamang umaasa ang mga pribadong paaralan upang magpatuloy ng operasyon tulad ng pagpapabayad sa mga guro, kagamitan ng paaralan at pagpapagawa ng mga gusali.
“Muli kami po ay nag-aapela sa pamahalaan na maunawaan sana kami sa aming ginagawa sa catholic education at private education na kailangan naming sumingil sa mga obligasyon ng mga magulang sa amin,” ayon kay Arellano sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Hiling din ng CEAP ang pakikipag-usap sa mga mambabatas kasama ang mga samahan ng mga pribadong paaralan, at unibersidad.
“May sulat kami na ibibigay ngayong araw na ito. Nagsama-sama ang mga association ng private school’s para i-apela yung maaring maging batas na ito na No-permit, No-exam Prohibition Act,” dagdag pa ni Arellano.
Ang pahayag ng CEAP ay makaraan aprubahan ng kongreso ang Senate Bill 1359 o “No Permit, No Exam Prohibition Act” na nagbabawal sa mga pribado at pampublikong paaralan na hindi bigyan ng pagsusulit ang mga mag-aaral nang hindi pa nakakabayad ng matrikula at iba pang mga pagkakautang sa paaralan.
Ipinaliwanag ni Arellano na ang mga pampublikong paaralan ay tumatanggap ng tulong mula sa pondo ng gobyerno, subalit ang mga pribado at katolikong paaralan ay nagpapatuloy lamang mula sa ibinabayad ng matrikula ng mga estudyante.
“Kasi meron talagang mga complimentary ‘yung public, and private schools kasi we provide the same common good and that is education,” ayon pa kay Arellano.
Ayon pa kay Arellano, sa nakalipas na pandemya may 800-pribadong paaralan ang nagsara dahil sa kawalan ng mga nag-enroll na estudyante.
Ang CEAP ay binubuo ng may 1,500-katolikong paaralan sa buong bansa at kabilang sa higit 12-libong pribadong paaralan.