129 total views
Ang reyalidad sa sistema ng katarungan sa Pilipinas ang isa sa mga hamong haharapin ni incoming CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Chairman Legazpi Bishop Joel Baylon sa kanyang pamumuno sa kumisyon sa susunod na 2 taon.
Pagbabahagi ng Obispo, isa sa mga hamong sa sistema ng katarungan sa Pilipinas na pangunahing tututukan ng kumisyon ay ang pagpigil sa patuloy na pagsusulong sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Iginiit ni Bishop Baylon na ang katarungang dapat namamayani sa justice system ng Pilipinas ay hindi malupit at hindi kumikitil ng buhay sa halip ay mapag-aruga, nagbibigay ng pangalawang pagkakataon at nangangalaga sa buhay.
“Nandiyan po yung challenges that we constantly found ourselves on the system of taking care or addressing the realization of justice. Our ministry have realities in prison management starting on the issues na hinaharap at gusto nating subaybayan at mapagtuunan ng pansin, yung challenge ng pagbabalik ng death penalty, tayo ay naglilingkod sa Simbahan ang alam natin ang hustisya, ang katarungan ay yung nagbibigay buhay, nagbibigay ng pangalawang pagkakataon, nagbibigay ng alaga hindi siya pumapatay…” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radyo Veritas.
Papalitan ni Bishop Baylon si Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Emeritus Pedro Arigo na humalili sa yumaong si Military Ordinariate of the Philippines Bishop Leopoldo Tumulak na pumanaw sa edad na 72-taong gulang noong ika-17 ng Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ang mga opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay mayroong dalawang taong termino bilang Chairman ng kumisyon.
Ang CBCP ay binubuo ng 131 Obispo kung saan 5 ang nagsisilbi bilang administrator, 83-ang mga Obispong aktibo habang 43 naman ang retirado.