504 total views
Naniniwala si Fr. Ric Valencia – Priest Minister ng Caritas Manila Damayan Program at Head ng Ecology Ministry ng Archdiocese of Manila na kung maayos parin ang sistema ng kalikasan ay hindi magkakaroon ng extreme weather conditions sa mundo.
Giit ni Fr. Valencia, bagamat normal lamang na panahon nang tag-ulan sa Pilipinas ay malaki parin ang epekto ng climate change sa nararanasang mas matinding pag-ulan na nagdudulot ng mga hindi ordinaryong pagbaha.
“Everything can be related to that, pero sa panahon ngayon it is really the typhoon season na tayo pumasok na tayo sa fourth quarter, that was normal to us pero nakikita naman natin na nagdadala ng pagbaha sa Metro Manila so connected parin yan kasi kung maayos ang ating ecosystem sana mako-contain yung mga ganitong calamities,” bahagi ng pahayag ni Fr. Valencia sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito nagpaalala naman ang pari sa mamamayan na iwasang lumusong sa tubig baha dahil maaari itong magdala ng mga sakit partikular na ang mga tinatawag na water-borne diseases.
Pinayuhan din ni Fr. Valencia ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang maligo sa tubig baha.
Samantala, pinayuhan naman ni National Disaster Risk Reduction Council Spokesperson Romina Marasigan ang bawat pamilya na maging alerto at makinig sa babala ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Marasigan, kapag pinalikas ang mga pamilya ay mahalagang sumunod ang bawat isa at huwag nang manatili pa sa kanilang tahanan lalo na kung ito ay nasa flood prone at landslide prone areas.
“Muli binabalaan natin ang mga pamilya na nakatira sa flood prone at landslide prone areas na kapag may panawagan ang lokal na pamahalaan na lumikas, makiisa po sila para sa kaligtasan ng kanilang pamilya at ng kanilang komunidad,” pahayag ni Marasigan sa Radyo Veritas.
Sa inisyal na ulat ng NDRRMC, mayroon nang 50 pamilyang inilikas sa bahagi ng lalawigan ng Quezon kung saan inaasahang tatama sa kalupaan ang bagyong Maring ngayong tanghali.
Patuloy namang pinaiigting ng Simbahan ang pangangalap ng impormasyon sa mga Diyosesis na naapektuhan ng malakas na mga pag-ulan upang agad itong makapaghatid ng tulong sa mga nangangailangan.