16,966 total views
Ipinatupad ng Department of Health ang Code White Alert bilang bahagi ng paghahanda at babantay sa ligtas at malusog na paggunita ng Semana Santa ngayong taon.
Binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng publiko upang maging mapayapa at makahulugan ang pagdiriwang para sa lahat.
Ayon kay Herbosa, mahalaga ito lalo na sa mga maglalakbay pauwi sa mga probinsya, magsasagawa ng Visita Iglesia o pilgrimage, at sa mga dadalo sa mga pagtitipon ng pamilya.
“Maging alerto po tayo sa mga kalsada ngayong karamihan ay magbibiyahe. At dahil din po sa matinding init, mag-iingat din po tayo sa epekto nito sa katawan,” ayon kay Herbosa.
Tinututukan ngayon ng DOH ang heat-related illnesses tulad ng heat exhaustion at heat stroke, na mapanganib lalo na para sa mga bata, matatanda, persons with disability (PWD), at mga manggagawang lantad sa init o outside workers.
Kabilang sa mga paalala ng kagawaran upang maiwasan ang mga karamdaman ngayong tag-init ay ang pag-iwas sa matagal na pagkakalantad sa init ng araw mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon; palagiang uminom ng walo hanggang sampung baso ng tubig; gumamit ng payong, pamaypay, o sumbrero kapag lalabas ng bahay o gusali; at magsuot ng magaan, maluwag, at maaliwalas na damit.
Sakali namang may kasamang makaranas ng sintomas ng heat-related illness, agad itong ilipat sa malamig at maaliwalas na lugar; palamigin ang katawan gamit ang ice pack, pamaypay, at tubig; at agad na tumawag sa emergency 911 at DOH Hotline 1555.
“We encourage everyone to observe the Holy Week responsibly. Magpunta po sa mga DOH hospitals na tuloy-tuloy na naka-antabay at magbibigay ng healthcare services sa mangangailangan nito ngayong Semana Santa,” dagdag ni Herbosa.
Mananatiling nakataas ang Code White Alert hanggang April 20, 2025, o Linggo ng Pagkabuhay.