12,639 total views
Itinakda ng College of Cardinals ang pagsisimula ng conclave sa pagpili ng bagong santo papa sa May 7.
Ito ang napagkasunduan ng mga cardinal sa ikalimang General Congregation sa Vatican nitong Lunes, April 28.
Gaganapin ang conclave sa Sistine Chapel ng Vatican kaya’t mananatili itong sarado sa publiko upang bigyang daan ang panahon ng pagninilay at pananalangin ng gmga cardinal upang maihalal ang susunod na lider ng simbahang katolika.
Ang May 7 ang ika – 17 araw mula nang pumanaw si Pope Francis noong April 21 sa oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Sa kasalukuyan 135 mula sa 252 cardinal sa mundo ang makalalahok sa pagpili ng bagong santo papa na magpapastol sa mahigit isang bilyong katoliko.
Magsisimula ang conclave sa pagdiriwang ng banal na misa sa umaga at sa hapon ang unang yugto ng botohan kung susunugin ang mga balota sa pagtatapos ng botohan, itim ang usok na lalabas sa Sistine Chapel kung wala pang napipili ang mfa cardinal habang puti naman kung mayroon nang bagong santo papa.
Batay sa kasaysayan ang pinakamahabang conclave ay nangyari noong 1268 hanggang 1271 o halos tatlong taon bago maihalal si Pope Gregory X habang pinakamaiksi naman noong 1503 na umabot lamang ng ilang oras at naihalal si Pope Julius II.
Sa nagdaang conclave noong 2005 ay umabot ng dalawang araw bago maihalal si Pope Benedict XVI gayundin noong maihalal si Pope Francis noong 2013.
Una nang humiling ng panalangin si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David para sa gabay ng Espiritu Santo sa paghalal ng bagong santo papa.
Bukod kay Cardinal David kabilang din sa cardinal electors sina Cardinal Luis Antonio Tagle at Cardinal Jose Advincula.