332 total views
Nagpahayag ng kagalakan at pasasalamat ang mga diyosesis sa Visayas at Mindanao matapos makatanggap ng tig-2 milyong piso na halaga ng ayuda mula sa Caritas Manila at isang pribadong grupo.
Ayon kay Rev. Fr. Harlem Gozo, Social Action Director ng Diocese of Maasin sa Southern Leyte, labis na ikinatuwa ng mga mahihirap na mamamayan sa kanilang Diyosesis ang tulong na mula sa Caritas Manila at Accenture Philippines kung saan nasa dalawang libong pamilya ang nabiyayaan.
Dahil aniya sa pandemya ay mas lalong naging mahirap ang kalagayan ng mamamayan ng Southern Leyte kaya naman sila ay nagpapasalamat sa grasya na kanilang naibahagi sa mga higit na nangangailangan.
“Dahil sa pandemya marami hindi makalabas saka yun risk talaga kasi yung vaccine hindi pa naka-abot sa karamihan nung panahon na yun. Salamat din naman at ang Caritas Manila ay nabigyan kami ng pagkakataon saka nabigyan din kami ng tulong,” pahayag ni Fr. Gozo sa panayam ng Radyo Veritas.
Inihayag ng Pari na ngayon lang sila nakatanggap ng ganito karami at kabigat na grocery.
Ganito rin ang naging mensahe ni Rev. Fr. Bong Galas, ang kasalukuyang Social Action Director ng Archdiocese of Cagayan De Oro matapos na makatanggap din ng P2 Milyong halaga ng mga gift certificates.
Pagbabahagi ni Fr. Galas, natuwa ang mga nabigyan ng ayuda sapagkat hindi nila inasahan ang dami ng kanilang matatanggap mula sa halaga na inilaan sa bawat pamilya.
“Malaking tulong po sa amin ang ayuda ng Caritas Manila, 2000 families, One thousand pesos each talagang masaya yung mga tao sabi nga nila mas mabilis pa yung ayuda ng Simbahan, kahit ganun lang ang amount pero marami ng tulong,” salaysay ng Pari.
Magugunitang 28 Diyosesis sa buong Pilipinas ang nakatanggap ng mga gift certificates mula sa Caritas Manila at Accenture Philippines kung saan pinagkalooban ng tulong ang mga pamilya na kumikita lamang ng mas mababa pa sa P10 libong piso kada buwan.
Una nang inihayag ni Caritas Manila Executive Director at Radyo Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual na mahalaga ang pakikipagtulungan ngayon ng Simbahan sa uba’t-ibang sektor at grupo upang umagapay sa mga lalong pang nasasadlak sa kahirapan dulot ng pandemya.
“The pandemic brought about serious life-threatening challenges, especially for the poorest of the poor. Addressing not only the health but also the economic effect of this pandemic can only be achieved if we work closely,” ani Fr. Pascual.