7,134 total views
Isasagawa ng social arm ng Archdiocese of Davao ang sabayang pagpapatay ng mga ilaw at kagamitang de-kuryente bilang bahagi ng pagdiriwang sa Season of Creation ngayong taon.
Hinihikayat ng Davao Archdiocesan Social Action Center ang mga mananampalataya para sa Earth Hour sa September 28, mula alas-8 hanggang alas-9 ng gabi bilang paraan ng pagsusulong na mabawasan ang epekto ng carbon energy na mapanganib sa kalusugan at kalikasan.
Bagamat karaniwang isinasagawa tuwing Marso ng bawat taon, ang Earth Hour ay makabuluhang hakbang upang patuloy na maisulong ang pagbibigay-pahinga sa daigdig na labis nang napipinsala dahil sa epekto ng krisis sa klima bunsod ng paggamit ng maruming enerhiya.
Paraan din ito ng arkidiyosesis upang mapaigting ang kamalayan lalo ng mga kabataan sa pangangalaga sa inang kalikasan para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Tema ng Season of Creation 2024 ang “To Hope and Act with Creation”, at isasagawa sa Pilipinas hanggang ikalawang Linggo ng Oktubre kasabay ng pagdiriwang sa Indigenous Peoples Sunday.