6,025 total views
Inaanyayahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga mamamayan ng Quezon City o Qcitizens na makiisa sa idinadaos na Segunda Mana Bazaar sa Quezon City Hall.
Matatagpuan ito sa Quezon City Hall Inner Lobby na nagsimula noong September 23 at magtatagal hanggang 27 kung saan maari ding mamili ang mga mamamayan sa mga karatig lalawigan simula alas-otso ng umaga hanggang ala-singko ng hapon.
“Ito ang Caritas Manila Segunada Mana Charity Bazaar at nakakatuwa dahil ang dami-daming pwedeng bilihin dito sa murang halaga, bukod sa mga damit at mga gamit para sa mga opisina ay marami din tayong matatagpuan na books para sa mga kabataan at gamit ng mga anak natin at marami sa mga products dito ay brand new,” ayon sa mensahe ni Mayor Belmonte.
Nagagalak ding ibinahagi ng Alkalde na ang nalilikom na kita ng Segunda Mana ay inilalaan bilang pondo sa pagpapaaral sa mga Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) Scholars na pinapaaral ang mahihirap na mag-aaral sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.
Tampok sa Segunda Mana Bazaar ang mga pre-loved at brand news items sa mura at abot kayang halaga kung saan tiniyak ni Mayor Belmonte na bagamat nauubos sa pagtatapos ng araw ay muling nagpapadala ang Social Arm ng mga bagong stocks upang mas marami pang mamamayan ang makabili.
“Pero ang pinakamahalaga kung mag-shopping kayo dito, ang proceeds natin ay mapupunta sa YSLEP Program, Youth Servant Leadership and Education Program o Scholarship Program ng Caritas Manila, marami silang pinapaaral na mga bata mula High School hanggang college, at ang binili ninyo ay mapupunta sa magandang layunin, tara na QCitizen! ngayon nga tinitignan ko halos ubos pero everyday ire-replenish ang mga produkto hanggang sa maubos ito sa friday, so see you here!, happy shopping and help the students finish their education,” ayon pa sa mensahe ni Mayor Belmonte.
Bukod sa YSLEP na pangunahing tinutustusan ng Segunda Mana Program ay napupunta din ang mga nalilikom nitong pondo upang masuportahn ang iba pang programa ng Caritas Manila na katulad ng Caritas Damayan na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayang tuwing may sakuna.
Kaakibat ito ng mga programang Integrated Nutrition Program at Unang Yakap Program na pinapakain ang mga malnourished o nagugutom na mga bata at lactating mothers.