469 total views
Itinuturing ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) na mahalagang bahagi ng kasaysayan ang EDSA People Power Revolution 35-taon na ang nakakalipas.
Ayon kay AMRSP co-Executive secretary Fr. Angelito Cortez, OFM mahalagang patuloy ang paggunita sa diwa ng EDSA People Power Revolution na siyang nagpalaya sa bansa mula sa diktadurya.
Paliwanag ng Pari, naipamalas ng mga Filipino sa pamamagitan ng ‘bloodless revolution’ ang mapayapang rebolusyon ng walang dumanak na dugo.
“Ang araw na ito ay paggunita ng tagumpay ng diwa EDSA, tagumpay ng paglaya sa diktadurya. Ipinakita natin sa buong mundo na posible ang isang mapayapang rebolusyon na di kailangan magdanak ang dugo. Ang kailangan ay isang mulat na pag-iisip at pananampalataya na nagbigkis ng ating adhikain na alisin ang isang madilim at maruming gobyerno, kung kaya natin noon kaya pa rin natin ngayon. Pinahihinog lamang tayo ng panahon at sa tamang panahon muli tayong babangon, huwag tayo mawalan ng pag-asa manalig tayo hindi tayo pababayaan ng Diyos.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Makalipas ang 14-na-taon mula ng magdeklara ng Martial Law si dating Pangulong Ferdinand Marcos naging mitsa ng makasaysayang EDSA People Power Revolution ang pagtiwalag sa administrasyong Marcos ng ilang mga opisyal ng pamahalaan noong Pebrero taong 1986.
Sinundan pa ito ng panawagan ng noo’y Arsobispo ng Maynila ang Kaniyang Kabunyian Jaime Cardinal Sin sa pamamagitan ng Radyo Veritas kung saan sa harap ng mga tangke at ng militar, dumagsa sa EDSA ang mamamayan mula sa iba’t-ibang antas ng lipunan kasama ang mga lingkod ng Simbahan.
Sa panawagan ni Cardinal Sin ang pagtitipon sa pamamagitan ng pagdarasal para sa payapang pagkamit ng demokrasya mula sa diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.