333 total views
October 1, 2020-1:27pm
Tinutulan ng makakalikasang grupo ang rekomendasyon ng pamahalaan na muling buksan ang mga minahan kasabay na rin ng nararanasang krisis dulot ng pandemya.
Kaisa ng iba pang environmental groups, ayon kay Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina, hindi naaangkop ang panukala ng Department of Environment and Natural Resources na magbukas pa ng karagdagang minahan at magsagawa ng river dredging upang makabangon muli ang ekonomiya ng bansa.
“Tumututol kami doon sa rekomendasyon ng DENR at mukhang tinanggap ng Office of the President ‘yung proposal na bahagi daw nung recovery or stimulus program natin dahil sa COVID-19 para makabangon daw ang ekonomiya ay magbukas pa tayo ng mas maraming minahan at tsaka river dredging,” ang bahagi ng pahayag ni Garganera sa panayam ng Radyo Veritas.
Paliwanag ni Garganera, walang malinaw na dahilan ang DENR upang imungkahi na bahagi ng pagbangon ng ekonomiya ang pagmimina at river dredging na magdudulot naman ng pagkasira sa kalikasan.
Nangangamba ang grupo na higit pa itong magpapalala sa epekto ng climate change at pagkaubos ng mga puno sa kagubatan na nagiging sanhi rin ng paglabas ng mga bagong sakit tulad na lamang ng COVID-19.
“Lalo nga pong baka malagay sa peligro ‘yung ating kalikasan dahil ‘pag dinagdagan po natin ang mina at mga river dredging, e lalo pong bibilis ang [pag]kalbo ng kagubatan at tsaka pagdumi ng ating mga ilog. Ito po ay lalong magpapalala ng climate change o nagbabagong klima at pagkakalbo ng gubat kaya po lumalabas yung mga bagong sakit o bagong pandemya tulad ng COVID-19,” ayon kay Garganera.
Naunang nagsagawa ng kilos-protesta ang mga makakalikasan at human rights group sa tanggapan ng DENR upang tutulan ang muling pagbubukas ng 13-suspendidong minahan na magdudulot ng kapahamakan sa kalusugan at kaligtasan ng pamayanan.
Ayon naman sa ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, hinihimok nito ang mananampalataya na pangalagaan at protektahan ang sangnilikha, mula sa pang-aabuso sa kapaligiran na tao rin ang nagiging biktima ng mga pinsalang idinudulot nito.