815 total views
Nakatakdang gawaran ng episcopal ordination sa July 29 si Diocese of Ipil Bishop-elect Glenn Corsiga.
Ayon kay Dumaguete Bishop Julito Cortes isasagawa ang ordinasyon sa alas nuwebe ng umaga sa Saint Catherine of Alexandria Cathedral Parish.
Ibinahagi ng obispo na magsisilbing Principal Consecrator kay Bishop-elect Corsiga si Zamboanga Archbishop Julius Tonel bilang metropolitan archbishop sa ecclesiastical province kung saan napabilang ang Ipil.
Magsisilbing co-consecrator naman si Bishop Cortes bilang kasalukuyang obispo ng Diocese of Dumaguete kung saan napabilang ang bishop-elect at si Palo Archbishop John Du naman na dating obispo ng Dumaguete habang si Cebu Archbishop Jose Palma ang magbibigay ng homiliya sa pagdiriwang.
Samantala itinakda naman ng Diocese of Ipil ang installation kay Bishop-elect Corsiga sa cathedra ng Cathedral of St. Joseph the Worker sa August 14 sa alas nuwebe ng umaga.
Matatandaang si Bishop-elect Corsiga ang huling naitalaga ni Pope Francis bilang obispo noong April 14, isang linggo bago pumanaw ang dating santo papa noong April 21.
Ang 60-taong gulang na bishop-elect ay nagtapos ng philosophy sa St. Joseph Seminary College sa Sibulan, Negros Oriental at theology sa Divine Word Seminary sa Tagaytay City.
Pormal na inordinahang pari ng Dumaguete noong December 14, 1993 at ilan sa kanyang mga naging tungkulin sa diyosesis ang pagiging parochial vicar ng St. Catherine of Alexandria Cathedral, Sta. Clara de Montefalco sa Pasay, spiritual director ng St. Joseph Seminary College, at chaplain of St. Paul University – Dumaguete.
Dalawang taong nanilbihang vice chancellor ng diyosesis bagong maging rector ng St. Joseph Seminary College.
Taong 2011 nang gawin itong papal chaplain ni Pope Benedict XVI, naging kura paroko ng St. James the Greater sa Tanjay ng anim na taon at kasalukuyang vicar general ng diyosesis mula 2017 at kura paroko ng St. Augustine of Hippo Parish sa Bacong Negros Oriental mula 2020.