304 total views
Nagpahayag ng pagkilala at pasasalamat ang Military Ordinariate of the Philippines sa lahat ng frontliners na matapang na hinaharap ang banta ng kapahamakan dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio kaugnay sa ika-79 na taong paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Ayon kay Bishop Florencio, vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, malaki ang papel na ginagampanan ng mga frontliners upang maprotektahan at mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Nilinaw naman ni Bishop Florencio na dapat ring bigyang pagkilala ang mga mamamayan na sumusunod sa panuntunan ng pamahalaan.
“Unang-una huwag nating kalimutan yung mga frontliners, ito yung mga ano [taga-protekta] natin talagang kitang kita sila yung mga health care workers natin, yung mga sundalo natin saka yung mga pulis natin these are people [na] dapat we have to be proud of them, we have to be proud of them. But also hindi lang sila, we have also to be proud to the many people, to the many people who follows yung sumusunod dito sa kung ano ang ibinibigay ng IATF protocols…” pahayag ni Military Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na nararapat lamang kilalanin ang kagitingan at simpleng ambag ng mamamayan sa pagsunod sa mga panuntunan at pagpapamalas ng disiplina.
“huwag nating kakalimutan din ang payak na mga simpleng tao na namumuhay na nandoon din ang kanilang gustong sumunod, na kanilang gustong maipakita yung disiplina nila kahit siguro ilang buwan nandoon pa rin sila sumunod pa rin so bigyan din natin sila ng parangal kasi magigiting din yan…” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Ang Araw ng Kagitingan o Day of Valor ay isa ring pag-alala sa tinaguriang Bataan Death March kung saan sapilitang pinaglakad ng mga Hapon ang mga Filipino at Amerikanong sundalo na tinaguriang mga ‘prisoners of war’ mula Bataan hanggang San Fernando, Pampanga.
Batay sa tala, mula sa mahigit 75-libong Filipino at Amerikanong sumuko sa mga Hapon, nasa 5 hanggang 10-libo sa mga ito ang nasawi dahil sa naranasang kalupitan, o gutom at sakit.