4,449 total views
Mga Kapanalig, para maiwasan na ang mga palpak na flood control projects, bumuo si DPWH Secretary Vince Dizon ng isang technical working group na susuri sa mga imumungkahing imprastraktura para ibsan ang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Tatlong eksperto sa kani-kanilang larangan ang magiging kasapi ng nasabing technical working group. Una ay si Dr Carlos Primo David, isang geologist na kasalukuyang naglilingkod bilang undersecretary sa DENR. Kasama niya ang isa pang geologist na si Dr Mahar Lagmay, propesor sa UP at director ng Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazard. Mula rin sa UP ang ikatlong miyembro na si Dr Guillermo Tabios III, isang kilalang flood control engineer na nagtuturo sa UP Institute of Civil Engineering.
Sabi ni Secretary Dizon, walang flood control project na popondohan sa 2027 na hindi bibigyan ng clearance ng technical working group. Kailangan daw malinaw ang plano ng mga ipatatayong flood control infrastructure ng ahensya, bagay na wala sa maraming projects ngayon. Sa isang hearing nga sa Senado, sinabi ng kalihim ng DPWH na sa 946 na flood control projects ng kagawaran, 798 o nasa 84% ng mga ito ay “potential duplicates” o posibleng pare-pareho lang. Patunay ito na wala talagang sinusundang plano ang ahensya.
Kasama rin sa mga trabaho ng technical working group ang pagbubuo ng initial plan para sa mga proyekto ng DPWH. Sa pagbubuo ng planong ito, magiging pangunahing batayan daw ng technical working group ang siyensya. Science-based approach ang kanilang gagawin, ayon kay Dr Lagmay. Sa ganitong paraan, tiyak daw na walang makalulusot na pagnanakaw sa pera ng bayan.
Maganda ang hakbang na ito ng DPWH, pero gaya sa anumang plano, sana ay may puwang din para mapakinggan ang mga maaapektuhang komunidad. Alam naman nating marami tayong mga kababayan—lalo na ang mahihirap—ang naninirahan sa mga tinatawag na danger zones, mga lugar na lantad sa panganib gaya ng pagbaha at pagtaas ng tubig. Kung siyensya lamang ang batayan, hindi natin maitatangging peligrosong manirahan sa mga lugar gaya ng tabing-ilog, estero, at tabing-dagat. Sabi nga, may disaster o sakunang nangyayari kapag may mga tao o komunidad na maapektuhan. Kung wala namang tao sa isang lugar na binabagsakan ng tubig-baha, halimbawa, walang disaster na matatawag.
Pero sa realidad, wala namang access sa mga ligtas na lugar ang mga mahihirap na pamilya. Mahal ang lupa sa mga lugar na hindi binabaha, kaya ang naiiwan sa mga walang kakayahang bumili ng lupa at magpatayo ng matatag na bahay ay ang mga lugar na hindi nga dapat tirahan, kung siyensya nga ang pag-uusapan.
Mahalaga ang siyensya pero hindi lamang ito ang dapat na maging batayan sa pagpaplano ng mga flood control projects. May mga tao at pamilyang lubhang maapektuhan. May mga buhay at kabuhayang dapat isaalang-alang. Alam naman nating marami nang flood control projects ang gobyerno ang nagdulot ng pagpapalayas sa mga pamilya at pagtatapon sa kanila sa malalayong relokasyon. Maraming taon ang tinitiis nila bago nila masabing nakakaraos na sila roon. Patunay ito ng sinasabi sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate na hindi lamang siyensya ang makapaglalatag ng daan tungo sa kaunlaran ng tao. Dapat din itong sabayan ng pagkakawanggawa o charity kung saan kapakanan ng tao ang layunin.
Mga Kapanalig, nasa puso ng siyensya ang sinasabi sa Mga Kawikaan 15:14 na paghahangad ng karunungan ng mga “taong may unawa.” Pero dahil may mga taong maapektuhan ng anumang imumungkahi ng siyensya, partikular na sa usapin ng flood control, dapat pakinggan at seryosohin din ng ating mga eksperto ang boses mula sa mga komunidad.
Sumainyo ang katotohanan.




