549 total views
19th Sunday of Ordinary Time Cycle A
1 Kgs 19.9.11-13 Rom 9:1-5 Mt 14: 22-33
Siguro naman gusto nating makipagtagpo sa Diyos? Siyempre OO, kaya nga tayo nagsisimba, nagdarasal, tumutulong sa kapwa, nagbabalik-handog at nagpopondo ng Pinoy. Gusto din ng Diyos na makikipagtagpo sa atin. Kaya nga pinadala niya ang kanyang bugtong na anak na maging tao. Kaya nga isinugo niya ang simbahan na magpahayag ng Magandang Balita ng pagmamahal niya sa buong mundo. Hindi naman siya naglalaro ng taguan sa atin. Siya ay Diyos na nagpapakilala. Ang tanong ay: Ano ang dapat nating gawin upang magtagpo tayo ng Diyos?
Ang Diyos ay Diyos. Dakila siya! Higit siya kaysa atin! Ang paraan niya ay hindi ayon sa pamamaraan natin. Handa ba tayong tagpuin siya sa paraan ng kanyang paglapit sa atin? Siya ang masusunod, hindi naman tayo. Pero bukas ba tayo na harapin siya?
Si propeta Elias ay nawawalan na ng pag-asa. Akala niya matagumpay na siya. Napatunayan na niya sa harap ng haring si Acas at ng mga tao na si Yahweh ang tunay na Diyos. Si Yahweh ay nagpadala ng apoy sa bundok ng Carmelo upang laplapin ang alay ni Elias habang walang nangyari sa mga dasal at sayaw ng apatnaraang propeta ng Baal. Pero nagalit ang reynang si Jezebel at nangakong ipapapatay siya. Kaya dali-daling tumakas si Elias at lumakad ng apatnapung araw papunta sa bundok ng Horeb upang doon magsumbong at magreklamo kay Yahweh. Nag-antay siya kay Yahweh sa isang yungib ng bundok.
Noong panahon ni Moises na mga limang daang taon nang nakaraan, doon din si Moises pumunta sa Horeb na kilala noong bundok ng Sinai upang makipagtagpo sa Diyos at upang kunin ang mga Batas niya. Kaya sa bundok na ito ay gusto rin ni Elias na makipagtagpo sa Diyos. Pero kakaiba ang pagdating ng Diyos sa kanya kaysa kay Moises. Noong panahon ni Moises dumating ang Diyos sa gitna ng malakas na usok at hangin, na may malakas na kidlat, kulog at lindol. Para iyong isang nakakatakot ng volcanic eruption. Doon naranasan ng mga Israelita ang Diyos na makapangyarihan. Noong panahon ni Elias ang Diyos ay wala sa malakas na hangin, o sa apoy, o sa lindol. Umihip ang mahinahon na hangin. Lumabas ang propeta sa yungib at doon niya nakatagpo ang Panginoong Diyos. Nagsumbong siya sa Diyos at doon din siya binigyan ng instructions kung ano ang gagawin niya pagbalik niya sa kanyang bayan.
Si Jesus din ay dumating sa mga alagad pero sa kakaibang paraan. Dumating si Jesus sa mga alagad na naglalakad sa tubig, sa gitna ng malakas na alon at hangin sa lawa ng Galilea. Kakaiba itong pahayag ng kapangyarihan – naglalakad sa tubig sa gitna ng bagyo! Tuloy akala ng mga alagad na multo ang lumalapit sa kanila. Nangahas si Pedro na hamunin si Jesus kung talagang siya iyon. Papuntahin niya siya sa kanya sa dagat. Pinalapit siya ni Jesus: “Halika!” sabi ni Jesus sa kanya. Nakalakad nga si Pedro sa dagat, pero noong nawala ang attention niya kay Jesus at mas pinansin niya ang alon at ang hangin kaysa si Jesus, nagsimula siyang lumubog. Tumawag siya at inabot naman ni Jesus ang kanyang kamay at sinagip siya. Pinagwikaan siya ng Panginoon: “Bakit ka nag-alinlangan? Kay hina ng iyong pananalig!”
Makakatagpo natin ang Diyos kung gusto natin at hinahanap natin siya. Pero dumadating siya sa iba’t-ibang pamamaraan. Kung tayo ay nagdi-discern, matatagpuan natin siya. Kaya kailangan natin ng kahandaan. Una, maging handa tayo sa kanyang pagdating sa ibang paraan. Iba ang pagdating siya kay Moises at iba naman ang pagdating niya kay propeta Elias sa parehong bundok. Mahinahon ang kanyang pagdating kay Elias pero sa mga apostol dumating siya sa gitna ng bagyo. Maaaring iba ang pagdating niya ngayon sa atin kapag tayo ay nagdaral kaysa pagdating niya noon. Kaya huwag nating ikulong ang Diyos sa karanasan natin noon. Pangalawa, kailangan tayong lumapit sa kanya upang matagpuan siya. Kailangang lumakad ni Elias ng apatnapung araw para makarating sa bundok ng Horeb. Kailangan si Pedro na mag try na lumakad din sa tubig. Pangatlo, kailangan na hindi mawala ang ating attention sa Panginoon. Si Elias ay hindi nadistract ng malakas na hangin, ng lindol at ng apoy. Patuloy pa rin siyang nag-antay sa Diyos na darating. Si Pedro ay nadistract ng malakas na hangin at alon. Nawala ang kanyang attention kay Jesus. Nanghina ang kanyang pananampalataya. Pang-apat, sa ating kahinaan, tumawag tayo sa Panginoon. Hindi niya tayo pababayaan. Sasagipin niya tayo. Hindi hahayaan ng Diyos na maligaw tayo sa paghahanap natin sa kanya.
Sa Banal na Kasulatan may madalas na panawagan sa Diyos: “Lord , I want to see your face. It is your face O Lord that I seek.” Ang paghahangad na makita ang mukha ng Diyos ay paghahangad na lumapit sa kanya upang lalo siyang makilala. Sana nasa atin ang hangaring itong. Kung talagang mahal natin siya, lumalapit tayo sa kanya at kinikilala natin siya.
Hindi lang tayo ang naghahanap sa kanya. Ang Diyos mismo ay naghahangad na lumapit sa atin. Nagpapakilala siya sa atin. Nagsasalita siya sa atin. Kaya nga pinadala niya ang simbahan upang patuloy na mangaral at patuloy na ipakilala siya. Kaya nga ang simbahan ay patuloy na nagdiriwang ng mga sakramento, kasi ang mga sakramento ay mga pagkakataon ng pakikipagtagpo sa Diyos. The sacraments are encounters with Christ. Sana nga natatagpuan natin ang presensiya ng Diyos kapag tayo ay nagpapabinyag, kapag tayo ay nagpapakasal, kapag tayo ay nagkukumpisal at kapag tayo ay nagsisimba. Hindi lang mga seremonyas ang mga sakramento. Sa pamamagitan ng mga gawain at mga bagay na nakikita sa mga sakramento, napapalapit tayo sa kanya. Napapalapit tayo sa Diyos sa pamamagitan ng tubig ng binyag, ng langis ng kumpil at ng pagpapahid ng langis, ng tinapay at alak sa misa, ng salita ng pagpapatawad sa pagkukumpisal. Iba’t-ibang paraan ang ginagamit ng Diyos upang mapalapit tayo sa kanya. Tanggapin natin ang mga sakramento at lumapit sa Diyos. Makatatagpo natin siya sa mga magsakramento.