291 total views
16th Sunday of Ordinary Time Cycle A
World Day of the Grandparents and the Elderly
Wis 12:13.16-19 Rom 8:26-27 Mt 13:24-43
Sa pananaw ng mundo pinapakita ng tao na dahil siya’y makapangyarihan kaya siya dapat ang masusunod. Madali siyang magparusa sa kumokontra sa kanya. Kinatatakutan siya kasi madali siyang magalit at magparusa. Magtaas lang siya ng boses o tumingin lang ng masama, natutunaw na ang mga nasa ilalim niya.
Iba ang Diyos. Sinabi sa aklat ng Karunungan na ating binasa na walang hanggan ang kapangyarihan ng Diyos. Hindi siya mananagot kanino man. Maaari siyang magparusa at magalit at walang siyang pananagutan. Oo, makapangyarihan siya pero siya ay mahabagin. Namamahala siya ng buong hinahon at pagtitimpi. Maari siyang magparusa agad, pero nagbibigay siya ng pagkakataon na magsisi ang nagkakasala. Hindi niya ginagamit ang kapangyarihan niya upang mag down ng iba. Para sa atin, nakikita natin ito na kahinaan. Gusto na natin ipadama kaagad ang kamalian ng iba. Madaling sumiklab ang galit natin kasi makapangyarihan tayo.
Nakita natin ito sa talinhaga ni Jesus tungkol sa sama-samang paglago ng mabuting binhi at ng damo. Ang damo ay hindi galing sa may ari ng bukid na ang Panginoon. Ito ay kagagawan ng kaaway. Gusto na agad na bunutin ang damo ng mga alipin ng may-ari. Ayaw nilang magsama ang mabuti at ang masama. Hindi iyan pinayagan ng may-ari. Ang kanyang dahilan: baka kapag binunot ang damo, mabunot din ang mabuting tanim. Pero kung titingnan natin na ang bukirin ng Panginoon ay ang mundo at ang mga tanim at mga damo ay mga tao, may iba pang dahilan ang may-ari sa hindi pagbunot sa masasama. Baka naman magbago pa ang masasamang tao. Ang pagpapasensya ng Diyos ay pagkakataon sa atin na magbago tayo. Hinahabaan pa niya ang kanyang pisi para maligtas tayo. Hindi ito tanda ng kahinaan o kapabayaan, kundi ng pag-ibig. May isa pang dahilan. Ang presensiya ng masama ay nakakatulong din sa mabuti na maging matatag. Oo, maaaring mainfluensiyahan ng masama ang mabuti, pero maaari ding mas naging malakas ang mabuti kaya hindi siya nadadala ng masama.
Pero hindi dahil sa mapagpasensya ang Diyos na siya ay pabaya, na ok lang sa kanya kung tayo ay masama o mabait. Hindi! Mananagot din tayo. Dadating ang wakas ng panahon at ang wakas ng ating buhay. Sa panahong iyon, aanihin ang mga matuwid at dadalhin sa kaharian ng Ama. Ang mga masama ay parurusahan. At wala na silang maidadahilan. Binigyan sila ng lahat ng pagkakataon.
Hindi lang tayo binibigyan ng panahon. Binibgiyan din tayo ng lakas upang makapagbago. Bago si Jesus umakyat sa langit, sinabi niya sa mga alagad niya na aalis siya ngunit hindi niya sila iiwanang ulila. Magpapadala siya sa kanila ng isa pang katulong – at iyan ay ang Espiritu Santo na magpapaalaala sa kanila ng lahat ng sinabi niya at bibigyan sila ng lakas na gawin ang iniuutos niya. Ito rin ang sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Nandiyan ang Espiritu ng Diyos na tumutulong sa ating sa ating kahinaan. Gusto naman nating magdasal, pero madalas hindi natin alam paano magdasal at ano ang dadasalin. Tumawag tayo sa Espiritu Santo at hayaan natin siyang magdasal sa atin. Sumunod lang tayo sa kanya.
Noong kami ay mga bata pa, naala-ala ko na ginabayan kami ng aming nanay paano at ano ang ipagdadasal. Sumusunod lang kami sa kanya habang ipinagdarasal niya ang mga pinsan namin, ang mga tita namin, ang trabaho ng aming tatay. Ganoon din ang ginagawa ng Espiritu Santo. Tumahimik lang tayo at banggitin natin ang anumang nararamdaman natin sa ating puso. Iyan na ang Banal na Espiritu na nagdadasal sa atin. Tandaan natin na kung gusto nating magdasal, mas lalong gusto ng Diyos na pakinggan ang ating dasal kahit na pabulol-bulol pa. Hindi ba ganyan ang mga magulang? Buo ang kanilang attention sa pakikinig sa ibig sabihin ng anak na nagsisikap na magsalita sa kanila? Natutuwa ang Diyos sa bawat effort at bawat hakbang natin na lumapit at makipag-usap sa kanya.
Ang makapangyarihang Diyos ay hindi malupit. Siya ay mahinahon. Mapagpasensya siya. Binibigyan niya tayo ng lahat ng pagkakataon na lumapit sa kanya.
Nasusubukan ang ating pagpapasensya ng mga mahihinang tao, hindi lang ng mga bata pero pati na rin ng mga matatanda. Madaling magalit sa kanila kasi wala naman silang laban sa atin. Mahina sila. Hindi sana ito mangyari sa ating pakikitunga matatanda na mahihina. Ngayon ay ikatlong taon ng ating pag-alaala sa mga matatanda natin, sa ating mga lolo at lola sa World Day for Grandparents and the Elderly. Ito ay ginagawa sa pinakamalapit na Linggo sa kapistahan ni Santa Ana at San Joaquin sa July 26. Sila ang mga magulang ni Mama Mary, ang mga lolo at lola ni Jesus.
Sa ating panahon ngayon mas dumadami ang mga lolo at lola. Ito ay dahil na rin sa pag-unlad ng medicina at ng nutrition. Humahaba ang buhay ng tao. Dapat magsaya tayo na nandiyan pa ang mga matatanda natin, pero hindi ito ang pananaw ng marami. Naiinis sila sa matatanda. Makulit na. Minsan ay ulyanin pa. Hindi na nakakatulong sa hanap buhay at mariklamo pa. Nagiging gastos pa sa bahay. Pero huwag lang natin tingnan ang matatanda sa pananaw ng economiya o ng gastos. Tayo ay tatanda din. At hindi lang! Marami din silang naitutulong na karunungan sa buhay na hindi nakukuha sa anumang aklat kundi sa karanasan nila sa buhay. Nakakahugot din tayo sa kanila ng lakas at pag-asa sa kanilang mga kwento ng mga dinaanan nila sa buhay. Madaling mawalan ng pasensya kasi tayo na ang malakas at sila ang mahihina. Pero tandaan natin na noong maliliit pa tayo, marami din pasensya ang ibinuhos nila sa atin. Sa ating pakikipag-usap sa matatanda, nakikita na mas malawak ang buhay kaysa karanasan natin ngayon. Nakabibigay sila ng mahahalagang pananaw na baka nakakalimutan na natin dahil sa mabilis na takbo ng buhay ngayon.
Kung wala na ang mga lolo at lola huwag naman natin silang kalimutan na sa ating buhay. Paminsan-minsan alalahanin natin sila, ipagdasal natin sila at ikuwento natin sila sa mga susunod na henerasyon. Nananatili silang bahagi ng ating buhay at madalas sila ang nagturo sa atin tungkol sa Diyos at paano manalig sa kanya. Ang pananampalataya nila ay nagbibigay sigla sa ating pananalig sa Diyos.