1 total views
5th Sunday of Easter Cycle C
Acts 14:21-27 Rev 21:1-5 Jn 13:31-35
Tapos na ang eleksyon. Masaya ba kayo sa resulta? Siyempre hindi lahat. Ganyan naman talaga ang nangyayari sa eleksyon. It divides the house. May mananalo, may matatalo. Pero mga kapatid, tapos na ang eleksyon! Tapusin na rin natin ang pangangampaya. Magtulungan na tayo sa pagpapaunlad ng ating bayan. Huwag na lang natin iasa ito sa mga politiko. Maaaring kinakalimutan na rin nila tayo. Tayo naman talaga ang magsasaayos ng ating kalagayan.
Tapos na nga ang eleksyon. Ngayon na ang panahon sa pagsubaybay sa mga nanalo. Binigyan natin sila ng pagkakataon na maglingkod sa atin. Gagawin ba nila ito? Tandaan natin sinisuweldohan natin sila at ang mga projects nila ay pera natin. Sana hindi nila pagtrayduran ang tiwala natin. Pananagutin natin sila sa susunod na eleksyon, at dahil sa tiwala ng bayan sa kanila, mananagot sila sa Diyos. Hindi nila matatakasan ang mapagpanuring mata ng Diyos.
Ang eleksyon ay isang puwang lang sa buhay natin. Ngayon bumalik na tayo sa pang-araw-araw na buhay natin. Ano ba ang layunin ng pang-araw-araw na buhay natin? Ang bagong langit at ang bagong lupa! Iyan ang pangako sa atin ng Salita ng Diyos sa ating ikalawang pagbasa. Babaguhin ng Diyos ang lahat. Darating ang bagong lungsod ng Jerusalem mula sa langit, gayak na gayak tulad ng babaeng ikakasal. Ito ay ang pananahan ng Diyos sa ating piling. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak at sakit sapagkat lumipas na ang dating bagay. Papahirin ng Diyos ang luha sa ating mga mata. Ito ang ating inaasahan. Dito tayo patutungo. Huwag sana ito mawala sa ating paningin sa ating mga pang-araw-araw na pinagkakaabalahan.
Maaabot ba natin ito? Oo, iyan ang pangako ng Diyos. Hindi lang pangako; iyan ay sinimulan na ng Diyos sa muling pagkabuhay ng kanyang anak. Marami na tayong kapwa at marahil mga kamag-anak at mga kakilala na nandoon na. Nandoon na sila sa Jerusalem na maluwalhati habang tayo ay naglalakbay pa lang patungo doon.
Ano ang daan patungo doon? Sino ang daan patungo doon? Si Jesus mismo. Narinig natin ang maliwanag na salita ni Jesus sa atin noong Huling Hapunan ni Jesus pagkatapos na umalis ni Judas upang ipagkanulo siya: “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo.” Paano naging bagong utos ito? Hindi ba mula pa noong panahon ni Moises sinabi na ng Diyos na magmahalan kayo? Ang lahat naman ng religion ay nagsasabi na magmahal tayo? Kaya paano naging bago ang utos na ito? Narito ang bago. Ipinagpatuloy pang sinabi ni Jesus: “kung paanong iniibig ko kayo, gayun din naman, mag-ibigan kayo.” Ang bago ay hindi na magmahalan tayo. Ang bago ay sa anong paraan at sa anong dahilan.
Sa anong dahilan? Dahil sa iniibig niya tayo! Mga kapatid, iniibig tayo ni Jesus! Naniniwala ba kayo dito? Totoo, iniibig niya tayo. Mga kapatid, hindi lang po sapat na maniwala tayo na may Diyos. Pati ang demonyo ay naniniwala na may Diyos, at nanginginig pa nga siya sa harap ng Diyos! Demonyo siya kasi hindi siya naniniwala na mahal siya ng Diyos. Kristiyano tayo kasi naniniwala tayo na mahal tayo ng Diyos at pinatotohanan ng Diyos ang pagmamahal niya sa atin sa pagbigay sa atin kay Jesukristo, ang kanyang bugtong na anak. Pinatotohanan din ni Jesus ang pagmamahal niya sa ating sa pag-aalay niya sa kanyang sarili sa krus para sa atin. Kaya tayo nagsisimba tuwing Linggo upang alalahanin at ipagdiwang, at ipagpasalamat, ang pag-ibig na ito. At pinagpapatuloy niya ang pagmamahal na ito sa pagbigay niya ng kanyang katawan para sa atin sa Banal na Komunyon. Pagdududahan pa ba natin ang pag-ibig ni Jesus sa atin?
Ang dahilan na magmahalan tayo ay dahil sa mahal tayo ni Jesus, ang bawat isa sa atin. Hindi tayo ang nagmamagandang loob sa pagmamahal natin sa kapwa. Hindi tayo ang unang umibig; tayo ang unang inibig ng Diyos. Dahil sa nag-uumapaw na pag-ibig ni Jesus kaya tayo nag-iibigan. Sino ba naman ako na hindi umibig sa kapwa ko na siya mismo ay iniibig ni Jesus?
Kaya papaano ako umibig? Tulad ng pag-ibig ni Jesus! Sa Huling Hapunan hinugasan ni Jesus ang paa ng mga alagad. Ito ay gawain ng pinakamababang alipin. Nagpakumbaba si Jesus sa paghugas ng paa ng mga alagad niya at sinabi niya na gawin natin ang kanyang halimbawa. Nagmamahalan tayo kung tayo ay nagpapakumbaba na naglilingkod sa iba. Sa Huling Hapunan ibinigay ni Jesus ang kanyang katawan at kanyang dugo para sa atin. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-aalay ng isang tao ng kanyang sarili para sa kanyang minamahal. Tinutularan natin ang pag-ibig ni Jesus kung nagsasakripisyo tayo para sa iba. Ang pag-iibigan na ito ang inaalok sa atin ni Jesus na tularan – mapagkumbabang paglilingkod at pagsasakripisyo para sa iba. Sa ganitong pagmamahalan makikilala tayong mga alagad ni Jesus.
Marami ay nakikilala na sila ay kasama sa grupo dahil sa kanilang uniform, o ID, o password, o kulay ng damit, o senyas na pinagkasunduan. Tayong mga Kristiayono ay makikilala na kasama tayo ni Jesus sa ating pagmamahalan tulad ng pagmamahal niya.
Sana ito ay mapakita din natin na ngayon tapos na ang eleksyon. Hindi ito panahon ng sisihan. Hindi ito panahon ng paghihiganti sa mga nabigyan pero hindi bumoto sa atin. Ito ay panahon na ng pagmamahalan. Magpakumbaba ang mga nanalo – magpakumbaba na maglingkod sa lahat at hindi lang sa mga bumoto kanila. Maging handang magsakripisyo ang lahat alang-alang sa bayan at hindi lang sa ating partido. Sana ang mga isusulong na mga batas at resolusyon ay hindi ayon sa party line o sa kagustuhan ng partido kundi ayon sa ikabubuti ng karamihan. Tapos na ang eleksyon. Magmahalan na tayo.