33rd Sunday in Ordinary Time Cycle A
World Day of the Poor
Prov 31:10-13. 19-20.30-31 1 Thes 5:1-5 Mt 25:14-30
Ngayong natapos na nating ipagdiwang ang ika-400 taon ng pagdating ng pananampalatayang Kristiano sa atin sa Palawan, ang hamon sa atin ay paano natin ipagpapatuloy ang paglago at paglalim ng pananampalatayan ito na binigay sa ating bilang binyagan. Mapapalaganap natin ito sa ating pagiging mabuting katiwala. So we promote being Good Stewards as a way of being disciples of Jesus Christ.
Tayong lahat ay katiwala ng Diyos. Kinikilala natin na ang lahat ng kabutihan ay galing sa Diyos. Ibinigay niya ito sa atin upang ating pangalagaan at palaguin. Kaya katiwala tayo ng buhay, ng pananampalataya, ng kalikasan, ng ating mga talento at ng ating yaman. Ang lahat ng ito ay galing sa Diyos. Bilang katiwala may responsibilidad tayong pangalagaan nang mabuti ang ipinagkatiwala sa atin. Sinisikap natin na ito ay hindi mawala, masira at masayang. Pero hindi lang ito ang ating tungkulin bilang mabubuting katiwala. Sinisikap din natin na ang mga biyaya ay ating gamitin at palaguin.
Sa ating unang pagbasa na galing sa Aklat ng Kawikaan binibigay sa atin ang halimbawa ng isang masipag at maaasahang maybahay. Siya ay mabuting katiwala. Ginagamit niya ang lahat ng pagkakataon at panahon upang pangalagaan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Masipag siya sa mga gawaing bahay. Ginagamit din niya ang kanyang kaalaman na mag-invest ng kanilang ari-arian upang ito ay lumago. Ang nakikinabang sa kanyang kasipagan ay hindi lang ang kanyang pamilya. Nakikinabang din ang mga mahihirap kasi nakakabahagi din niya sa kanila. Kaya ang kahalagahan ng babae ay hindi lang sa kanyang panlabas na ganda kundi sa kanyang pagiging masipag, mapagmalasakit, at pagkakaroon ng maayos na pag-uugali. Mabuting katiwala ang babaeng nilalarawan sa ating unang pagbasa.
Ang mabuting katiwala ay masipag at mapamaraan upang ang ipinagkatiwala sa kanya ay lumago. Pinapakita ito sa talinhaga ni Jesus tungkol sa tatlong pinagkatiwalaan ng isang tao ng kanyang kayamanan sa ating Ebanghelyo. Hindi parepareho ang ibinigay sa kanilang pera. Ang isa ay binigyan ng limang libo, ang pangalawa ng dalawa at ang huli ng isang libong piso. Isinaalang-alang ng may-ari ang kakayahan ng bawat isa. Noon pagbalik niya, dumating na ang pagsusulit. Natuwa siya sa dalawang nagbigay ng kita sa ibinigay sa kanila – ang nakatanggap ng limang libo ay tumubo ng lima pa, ang nakatanggap ng dalawang libo ay tumubo ng dalawa pa. Natuwa ang may ari sa dalawang ito. Hindi man niya pinuna ang nagbalik ng dalawang libo; hindi niya ito ikinompara sa nakabalik ng limang libo pa. Ang bawat isa ay may sariling kakayahan. Iyan ay kinikilala at ginagalang ng may-ari. Ang hindi niyang matanggap ay ang nakatanggap ng sanlibo. Ibinaon lang niya ito sa lupa at ibinalik sa may-ari ang kanyang natanggap. Hindi nga ito nasira o nawala, pero hindi naman tumubo. Naghahanap ang Diyos ng increase, ng tubo. Tamad at masamang katiwala ang tawag sa kanya. Ipinatapon siya sa kadiliman sa labas. Ito ay ang impiyerno! Minsan sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Tinawag ko kayo upang kayo ay magkaroon ng bunga, at bunga na mananatili. Magbubunga ang mga biyaya ng Diyos kung ito ay ginagamit sa kabutihan. Kaya ng Diyos na pasaganain tayo upang tayo ay magkaroon ng sapat sa ating pangangailangan at maging masagana sa pagtulong sa mga nangangailangan. Ang kasaganahan ay hindi lang para sa atin. Pinapasagana tayo upang mas maraming tao ang matutulungan at sa gayon marami ang makapagpasalamat sa Diyos.
Ngayong linggo ay World Day of the Poor. Ito ang Linggo bago ang huling Linggo ng taon ng simbahan na siyang kapistahan natin ng Christ the King. Pinapakita ng World Day of the Poor kung paano natin mapaglilingkuran si Jesus na ating hari. Mapaglilingkuran natin siya sa ating paglilingkod sa mga mahihirap. Huwag natin silang pabayaan. Kaya ang paksa sa Linggong ito ay huwag nating tatalikuran ang mga mahihirap. Gamitin natin ang anumang kakayahang binigay sa atin upang mapaglingkuran ang mga nangangailangan. Sapat ang kakayahan ng mundo na mawala ang kahirapan kung hindi natin pababayaan ang mga mahihirap.
Ang laman ng mga balita sa mga araw na ito ay ang digmaan sa Israel at sa Ukraine. Dalawa lang ito sa maraming digmaan na nangyayari sa mundo. Magastos ang mga digmaan. Ang bawat bomba na sumasabog ay nagkakahalaga ng ilang milyong piso. At ilang bomba at missiles ang sumasabog araw-araw! Ang mga sandata, ang mga bala, ang mga tangke, ang mga eroplano, at mga drones ay nagkakahalaga ng bilyon-bilyong pera. At may perang ganito ang binibigay ng mga bansa na tumutulong sa digmaan para pumatay. Kung ang ganitong halaga ay ginamit upang tulungan ang mga tao – gumawa ng ospital, magbigay ng traktora, gumawa ng pagkain, magpagawa ng paaralan – ilang tao ang matutulungan? Pero walang perang ginugugol para tulungan at paunlarin ang mga tao, pero ang laki ng halaga ang ginagamit upang pumatay at sumira!
Habang nananawagan tayo na itigil na ang mga digmaan at patayan, tayo, sa ating sariling makakayanan ay magsikap upang gamitin ang mga biyaya ng Diyos, tulad ng ating kaalaman, ng ating panahon, ng ating kayamanan, na makatulong sa iba. Magbalik handog tayo. Magsikap na palaguin ang mga biyaya hindi lang upang maging masagana ang buhay natin kundi upang mas lalo din tayong makatulong sa mahihirap. Para din sa kanila ang biyaya ng Diyos sa atin. Binigyan tayo ng biyaya upang maging daluyan tayo ng biyaya para sa iba. Huwag po natin talikdan ang mga nangangailangan.