924 total views
30th Sunday of the Year Cycle C
Prison Awareness Sunday
Sir 35.12-14,16-18 2 Tim 4:6-8.15-18 Lk 18:9-14
Ngayon Linggo po sa buong bansa natin ay ang Prison Awareness Sunday. Pinapaalaala po sa atin ang kalagayan ng ating mga bilanggo. Kahit na nasa bilangguan sila, hindi nawawala ang kanilang dangal bilang tao. Niligtas pa rin sila ni Jesus; kapatid at kamag-anak pa rin natin sila. Gusto ni Jesus na kilalanin natin siya sa pamamamagitan nila. Kaya nga sinabi ni Jesus: “Mapalad kayo kasi ako ay nasa bilangguan at dinalaw ninyo ako.” Sa sistema ng korte at kapulisan ngayon, hindi lahat ng nasa bilanggo ay mga makasalanan. Marami ang nasa piitan kasi sila ay napagbintangan, hindi sila naipangtatanggol kasi wala silang pera at walang kakilala. Pero alam naman natin na ang mayayaman, ang mga kilalang pamilya ay hindi nabibilanggo kahit na marami silang ninakaw sa bayan, kahit marami silang pinapatay kasi may mga abogado sila, kasi nabibili nila ang ilang pulis at ang ilang husgado. Kung sila ay mahusgahan man, nagpapanggap silang may sakit at sa halip na ipadala sa kulungan, pinapadala sa ospital. Nasaan ang katarungan?
Kaya magandang balita ang napakinggan natin sa ating unang pagbasa. “Sinabi ng Diyos: Ako ay ang Diyos ng katarungan. Wala akong kinikilala na paborito.” Hindi siya nabibili o matatakot ninuman. At pinapakinggan niya ang daing ng mga mahihirap at mga inaapi. Kaya ang panalangin ng mga mababang tao at nagsisikap na maging tapat sa kanya ay kanyang pinapakinggan. Tumatagos sa alapaap ang dasal ng mga taong mababa ang loob.
Ito rin ang talinhaga ni Jesus na ating narinig sa ating ebanghelyo. Sinabi na ni Jesus ang dahilan ng kanyang talinhaga. Ito ay para sa mga tao na akala nila na sila ay matuwid at dahil dito kinukutya nila ang ibang mga tao. Ang mga pariseo sa panahon ni Jesus ay ang mga tao na nagsisikap na maging tapat sa kanilang pagsunod sa mga batas ng Diyos. Hindi naman ito masama. Hindi naman masama na ang pariseo sa ating talinhaga ay nag-aayuno ng dalawang beses kada lingo, na siya ay nagbibigay ng ikapu sa lahat na natatanggap niya. Ang masama ay dahil dito, ang tingin niya sa kanyang sarili ay iba na siya sa lahat na hindi nakakagawa nito. Iba na siya sa mga tao, lalo na sa publikano na nandoon sa likod ng templo na nagdarasal.
Ang mga publikano ay ang grupo na mga tao na ang hanap buhay nila ay mangulekta ng buwis para sa mga Romano na siyang sumasakop sa kanila mula sa kanilang kababayan na mga Hudyo. Kaya ang turing sa kanila ay mga traydor. At ito ay hanap buhay nila, kaya pinapasobrahan nila ang kinukolekta at dito sila kumikita. Isang uri ito ng korapsyon. Kaya masasamang tao ang turing ng mga Hudyo sa kanila. Kinikilala ng publikano sa ating ebanghelyo na hindi siya maayos na tao, kaya nandoon siya sa likod ng templo, hindi man makatingin sa altar, at panay ang dagok sa kanyang dibdib. Ang dasal niya ay: “O Diyos, maawa ka sa akin na isang makasalanang tao.” Mas tumagos sa langit ang dasal niya kaysa dasal ng taong matuwid at mapagmataas dahil sa kanyang katuwiran.
Ang punto ni Jesus ay hindi ang matuwid at ang makasalanan. Ang punto ni Jesus ay ang nagmamayabang at ang nagpapakumbaba. Kahit na tayo ay makasalanan pero dahil dito tayo ay nagpapakumbaba, katanggap tanggap tayo sa Diyos. Kahit na tayo ay matuwid at gumagawa ng mabuti pero dahil dito mapagmayabang naman, hindi papansinin ang ating dasal. Kaya ang mabubuting tao ay hindi tumigil sa kanilang kabutihan, at ginagamitin ito upang lalong makatulong sa iba upang dalhin ang iba sa Diyos at hindi upang maging tanyag at sikat. Hindi nakukuha ang pansin ng Diyos ng ating katanyagan.
Tingnan po natin ang mga pinipili at kinikilingan ng Diyos sa Bibliya. Sino ba naman si Abraham, isang matandang dayuhan na walang anak? Si Jose ay itinatwa ng kanyang mga kapatid at ipinagbili bilang alipin. Si Moises ay isang matanda na takas mula sa kanyang kababayan. Si David ay isang batang pastol ng mga tupa na hindi nga pinansin ng kanyang tatay mismo noong ipinatawag ang kanyang pamilya ni Samuel. Si Maria ay isang probinsyanang dalagita sa isang lugar, sa Nazaret, na hindi kilala. Si Jose ay isang ordinaryong karpentero. Ang mga ito ay ilan sa mga taong tinawag ng Diyos at may malaking misyon sila para sa ating kaligtasan, pero sila ay maliliit na mga tao. Hindi ginagamit ng Diyos ang mga hari, ang mga mayayaman, ang mga pantas, ang mga may pangalan para sa kanyang gawain. Hanggang ngayon ganito kumilos ang Diyos. Kaya huwag tayong magmayabang. Oo, gumawa tayo ng kabutihan pero huwag nating ipagmayabang ang ating kabutihan at ang ating ginawa. Sa Diyos lamang ang kapurihan at ang kadakilaan.
Kung tayo man ay nakagawa ng masama, iyan ay hindi nangangahulugan na wala na tayong kwenta sa mata ng Diyos. Siya ay mahabagin at mapagpatawad. Ano mang kasamaan at kahinaan natin ay gamitin natin upang tanggapin na maliit tayo sa mata ng Diyos, na sa ganang ating sarili lang hindi tayo makakatayo. Kaya itaas natin ang ating kamay sa Diyos na nagmamakaawa. “Sagipin mo ako Panginoon. Itayo mo ako.” At nandiyan ang Diyos. Pinapakinggan niya ang daing ng mga mahihirap at mga inaapi.
May second collection po tayo ngayon para sa ating prison ministry, para makatulong sa mga kapatid natin na bilanggo.




