273 total views
Homily
His Eminence Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Novena Mass for the Feast day of Pope Pius X
Pope Pius X Parish, Onyx Ave., Paco, Manila
August 16, 2018
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una po sa lahat magpasalamat tayo sa Panginoon. Siya po ang nag-anyaya sa atin, siya po ang nagsama-sama, nagtipon sa atin upang bilang isang sambayanan tayo po ay napanibago niya sa pamamagitan ng kanyang salita, sa katawan at dugo ni Hesus at ng espiritu santo na ibinubuhos sa ating mga puso at sa ating sambayanan.
Ngayon ay kapistahan ni San Roque, isang mapagkawang-gawang tao na kinalimutan ang kanyang sariling kayamanan, ang kanyang estado sa buhay upang makapaglingkod sa mga kapos-palad at hanggang pati sa mga may karamdaman dala ng peste.
At ang ating mga pagbasa ay tungkol din sa isang uri ng pagkakawang-gawa at pagpapagaling, iyan ay ang pagpapatawad.
Napakaganda po nito bilang paghahanda sa ating kapistahan at sa pagdating ng ikalimampung taon ng ating parokya. Pagpapanibago bilang isang parokya at bayan ng Diyos.
Marami tayong puwedeng gawin sa pagpapanibago o renewal. Mayroong mga aayusin na bahagi ng building, mayroong mga bagay na puwedeng i-upgrade. Titingnan natin ang kuryente, titingnan natin ang sound system, titingnan natin ang building. Pero maganda ring bigyan ng pansin, ano ba ang kailangan pagpapanibago ng ating sambayanan dahil tayo ay sambayanang Kristyano?
At patu-patuloy ang pagpapanibago, transformation, renewal, conversion ng isang sambayanan na ibig maging tunay na Kristyano.
Ito naman ang motto ni Pope Saint Pius X, “Renewal to renew all things in Christ.” Pagpapanibago ng lahat pero kay Kristo kasi ang mundo natin ngayon, ang gustong pagpapanibago panlabas lang.
Magpapa-liposuction akala kapag wala na yung kanyang tiyan, bagong pagkatao na siya. Hindi, magpapabanat ng mukha, akala nila kapag banat na banat na bagong pagkatao na. Hindi. Magpapakulay ng buhok, akala kapag kulay na ang buhok, bagong tao na. Hindi. Bibili ng bagong damit, akala kapag magara ang suot panibagong tao na, hindi.
Bibili ng pinaka-latest na ano ng cellphone, ipagmamalaki sa mga kakilala akala kapag mayroon kang latest na model ng cellphone ibang tao ka na, hindi. Ang gusto ng salita ng Diyos ay maging bago tayo sa diwa ni Kristo. Si Kristo ang bagong tao, si Kristo ang bagong Adan. Siya ang nagbibigay ng espiritu santo para tayo ay maging kawangis niya.
Tama si Saint Pius X, to renew all things in Christ, in Christ. At ang mga pagbasa tungkol sa isang pagpapanibago sa diwa ni Kristo, iyan ang pagpapatawad.
Sa unang pagbasa mula sa propeta Ezekiel, ang bayan, ang Israel ay isinalarawan bilang bayan ng mga rebelde, bayan ng maghihimagsik. At kanino nagre-rebelde? Sa Diyos. Sa Diyos na gumawa ng lahat ng mabuting bagay sa kanila.
Sabi nga natin kanina sa Psalmo, Hindi nila nalilimot ang dakilang gawa ng Diyos. Naku, hindi po, nakalimutan nila. Maganda ito sa kanta “Hindi nila malilimot…” Pero sa katotohanan, kinakalimutan. Kinakalimutan ang gawa ng Diyos, kinakalimutan ang Diyos mismo. At doon nagsisimula ang pagka-rebelde sa Diyos.
Pero ano ang tugon ng Diyos? Ang Diyos nagpadala ng propeta, si Ezekiel para tawagin ang pansin ng bayang nare-rebelde at tumatalikod sa kanya. Para sa pamamagitan ng propeta, hindi lamang sa kanyang salita kundi sa kanyang gawa mapaalalahanan ang bayan na kapag hindi kayo bumalik sa Diyos, kapag lumayo kayo nang lumayo sa Diyos may mangyayari sa inyo.
Kayo ay magiging mga bihag, babalik kayo sa dati niyong buhay. Dati alipin kayo sa Ehipto pero ang Diyos ang nagpalaya sa inyo. Nakalimutan niyo na ‘yon. At kapag kayo ay lumayo sa Diyos baka bumalik na naman kayo sa pagiging alipin.
Pero ang bait ng Diyos, siya na yung gumawa ng mabuti, kinalimutan siya, pinagrebeldehan siya. Ano ang ginawa niya? Sa halip na sirain ang bayan sa galit, binigyan sila ng pagkakataon.
Ganyan ang habag ng Diyos. Hangga’t maaari ayaw ng Diyos sirain ang tao kahit na ang tao ay makasalanan. Ang ibig niya ay magbagong buhay, bigyan ng pagkakaton, mahimasmasan, makaalaala, bumalik sa kanya. Hindi natutuwa ang Diyos na ang nagkasala ay basta-basta na lang puksain.
Baliwala ka, mawala ka na. Hindi. Mahalaga sa Diyos ang bawat isa kahit na ikaw ay makasalanan at rebelde. Gusto ng Diyos magbagong buhay ka kaya magpapatawad ang Diyos.
Sa ebanghelyo, iyan po sabi, ito ang paghahari ng Diyos. Isang utusan na pagkalaki-laki ng utang sa kanyang amo nang hindi nakabayad, sabi ng amo, ibenta lahat sila. Kulang pa siguro kahit ibenta lahat, kulang pa para makabayad sa pagkakautang sa kanya. Subalit noong nagmakaawa ang utusan, walang sabi-sabi, sabi nung utusan, “Bigyan mo pa ako ng panahon makakabayad din ako.” Naantig ang pusong mahabagin ng Panginoon, hindi niya sinabi, sige bibigyan kita mga tatlong taon, two gives. Hindi, kapag karaka, pinatawad, pinalaya sa pagkakautang.
Kaya lang itong utos-utusan na ito na pinatawad, noong nakakita ng kapwa utusan na may utang sa kanya na maliit lang naman aba naningil. At no’ng hindi nakabayad yung kapwa utusan, nakalimutan niya na siya’y pinatawad at minaltrato niya ang kanyang kapwa utusan.
Doon nagalit ang amo, pinatawad kita tapos yung iba na humihingi ng tawad sa iyo hindi mo mapagbigyan. Nakalimutan mo na ba? Diyan nagsisimula ang pagre-rebelde at kawalan ng habag, pagkalimot. Nakalimutan na papano tayo minahal ng Diyos, pinatawad ng Diyos at kapag nakalimot hindi na magpapatawad sa kapwa.
Mga kapatid, ang pagpapatawad, ang habag ay isang daan ng pagpapanibago. Ang unang nababago ay iyong nagpapatawad. Sa halip na siya ay maging bihag, alipin ng galit, ng paghihiganti, napapalaya siya. Ang puso niya ay Malaya, hindi na alipin ng galit. At ang ikalawang nagbabago, bagong-buhay ay iyon namang pinatawad.
Sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanya, nabibigyan siya ng bagong pag-asa. Sa pagpapatawad, sinasabi natin sa tao, alam ko mayroon kang pagkukulang, alam ko may nagawa kang masama pero naniniwala ako mayroon ka pa ring kabutihan.
Kaya kung dati nabuhay ka sa kasamaan ngayon mabuhay ka na sa kabutihan na nasa iyo. Palaguin mo iyan, iyan na ang gawin mong buhay. Kaya ang pagpapatawad ay pagkakaroon ng pag-asa. Sa mga taong nagkamali may pag-asa ka pa. Kailangang kailangan po ng ganitong habag na nagpapatawad sa ating panahon ngayon. Kailangan natin ng ganitong handog ng pagbabagong-buhay.
Simulan na natin sa pamilya, kapag ang mag-asawa hindi marunong magpatawad, wala hanggang diyan na lang kayo. Wala nang kinabukasan na posibleng umuwi sa bagong buhay. Mga anak kapag hindi nagpatawad sa magulang, mga magulang kapag hindi nagpatawad sa mga anak, parang sinabi niyo sa isa’t isa, “Hopeless ka na, hopeless ka na.”
At kapag iyon ang mensahe, yung tao gano’n na nga kikilos, sabi mo hopeless ako di sige hopeless na nga. Wala na, hanggang do’n na lang, wala nang bagong buhay. Mga teacher huwag na huwag niyong sasabihin sa estudyante na sila’y hopeless. Hindi na nga ‘yan nag-i-improve nakakuha ng 74 sabihin mo 74 ang nakuha mo, malapit-lapit na sa 75.
Pero kapag ba, 74? 74 na naman? Kailan ka ba makakapasa? Kailan? Iyong bata sa halip na magbagong buhay, pinapatay ang pag-asa na siya ay pwede pang umabante.
Ngayon po ang unang anibersaryo ng pagkapatay doon sa batang si Kian na pinatay sa Caloocan na nagmamakaawa, Tama na po, may test pa ako bukas. Kapag nawalan ng awa, ang buhay ng kapwa, wawaldasin mo. Sabihin na mayroong pagkakamali, wala na bang awa para sa nagkamali?
At saan tayo makakakita ng tao na hindi nagkamali kahit minsan? Anong gagawin natin? Bawat nagkakamali, sasaktan? walang matitira sa atin dito. Kanina yung organist nagkamali, eh ano? Papatayin natin? Nasaan na? nagtatago na.
Rinig na rinig ko yung mali, kapag nagkamali wala ka nang pag-asa? Huwag ka nang magpapakita sa amin, kapag mayroon kumakanta dito, ninerbyos. Oo, nagkamali, anong gagawin ng choir director? Ipakukulong? Ipapapatay? Bakit? Nagkamali ng kanta, si Cardinal pa naman ang nagmi-misa.
Ang lipunan na walang awa, walang pag-asa, nasa atin naman ang choice, nasa atin naman iyon. Gusto ba natin na may pag-asa o tayo’y nabuhay sa kadiliman, na hanggang diyan na lang pala tayo. At ang nagkakamali walang lugar sa mundong ito. Kapag iyon ang prinsipyo natin, walang lugar para kahit kanino.
Pero para sa Diyos, hindi ganyan, ang Diyos nagmamahal at pati ang nagkamali para sa kanya mahalaga kaya binibigyan ng pag-asa sa pamamagitan ng pagpapatawad. Ang tanong ni Pedro kay Hesus, Panginoon, maka-ilan kong papatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin. Maka-pito po ba?
Ibig sabihin ng pito ay ano, perfect number. Sagot ni Hesus, hindi lang pito, pitumpung ulit na pito. Ibig sabihin paulit-ulit ang kanyang kasalanan, paulit-ulit ka ring magpapatawad.
Bakit? Kasi ganoon ang Diyos, ganoon siya sa atin kaya ganoon din tayo sa kapwa. At dinadasal natin yan, patawarin mo kami sa aming mga sala gaya ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. Baka sabihin ng Diyos, humihingi ka ng patawad sa sala mo. Sabi mo gaya ng pagpapatawad mo hindi kita nakitang nagpapatawad.
Bakit ka humihingi ng tawad sa akin kung hindi ka nakapagbibigay ng patawad sa iba? Kaya pag-uwi ninyo mamaya yung mga asawang hindi nagpapatawad, sasabihin niyo, “Hoy umupo ka riyan. Tingnan mo ako, magpatawaran na tayo.
Mga magulang at anak na nagtatampuhan, mamaya magtawagan kayo “Nay, nay…bakit? Hihingi ka na naman ng pera? Hindi po, hindi pera ang hingi ko, humihingi ako ng paumanhin. Iyan,
halika bibigyan kita ng paumanhin at pera rin.
Tingnan mo pati puso mo mabubuksan, iyong organista kanina pinatatawad ka na namin. Sige, tumugtog ka pa. Oo, mabuti ka marunong ka mag-organ iyung mga pintasero diyan di nga marunong mag-organ, ang alam lang mamintas.
Sige, namimintas ka ikaw nga ang tumugtog kung hindi ka magkamali-mali rin. Ang pinakaayaw magpatawad, sila mismo walang alam doon sa kanilang kinaiinisan. Kaya ang mundo natin hindi magbabago. Gusto natin ng pagpapanibago? Sabi ni Pope Pius, “Renew all things in Christ.” Si Kristo, buong buhay, kamatayan, inialay para mapatawad. Hindi ba natin gagawin iyon para sa ating kapwa?
Mayroon pong nagsabi sa akin siya raw ay laging mainit ang ulo doon sa kanyang kasambahay kasi kahit paulit-ulit niyang sinasabi, ganito, ganito”, nakakalimot daw. Sabi ko naman, “Ma’am kayo ho ba? Hindi ba kayo nakakalimot din? Ilan ba ang apo ninyo? Siguro bago niyo matamaan yung tamang pangalan ng apo lahat nang pangalan sa kalendaryo’y natawag niyo. Kung kayo’y nakakalimot dapat nauunawaan ninyo at napapatawad yung kasambahay ninyong nakakalimot din.
Kapag nakalimot yan sa halip na magalit ka, dapat sabihin niyo, “Relax ka, hindi lang ikaw ang nakakalimot pati ako nakakalimot din, pareho tayo kaya relax ka lang.
Ano nga ba pangalan mo? tingnan niyo, sasagot yun kayo po ano nga ba ulit ang pangalan niyo? Tingnan niyo, magkapatid kayo hindi dapat kayo magkaaway, magkamukha kayo.
Mayroon nga ring Lolo na binati nung apo, sabi “Lolo, nakakatuwa kayo kahit may edad na kayo, sweet na sweet pa rin kayo kay Lola, ang tawag niyo Honey. Sabi nung Lolo, “Kasi nakalimutan ko na pangalan ng Lola niyo kaya Honey na.
Tingnan ninyo kaya kapag kayo tinatawag na “Darling”, “Honey”, ng asawa niyo tanungin niyo, “Teka, anong pangalan ko? Baka iba ang sabihin, pero patawarin, lahat nakakalimot.
Bagong buhay. Renewed. At dito sa parokya, sayang naman Pope Pius X, renewal, matuto tayong magpatawad sa isa’t isa. Iyong mga organisasyon na nagkaka-selosan, nagkaka-taasan, 50 years, renewal, yan ang isa, magpatawad.
Maliit na bagay naman minsan pero napapalaki lang. Huwag nating dalhin sa susunod na 50 years ang mga hinanakit, ang mga paghihiganti at galit. Magpatawaran, bagong buhay.
Tayo po’y tumahimik sandali at hilingin sa Panginoon ang biyaya at lakas na tulad Niya, makapagpatawad tayo at makapagbigay pag-asa tungo sa bagong buhay.