6,239 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang pagtutok sa pagsusulong sa misyon ng Simbahan laban sa patuloy na suliranin ng human trafficking sa lipunan.
Bilang patuloy na pagpapalakas sa kaalaman at kakayahan ng Simbahan sa pagtugon sa nasabing usapin ay pinangasiwaan ng komisyon ang pagsasagawa ng ikaanim na Capacity Training to Combat Human Trafficking na isinagawa para sa Archdiocese of Manila.
Naganap ang dalawang araw na pagsasanay noong Agosto 29–30, 2025 sa Pope Pius XII Catholic Center, UN Avenue, Manila katuwang ang Archdiocesan Commission for Migrants and Itinerant People (ACMI) at Arise Foundation.
Dumalo sa dalawang araw ba pagsasanay ang 24 na piling kinatawan mula sa iba’t ibang parokya at ministry ng Arkidiyosesis ng Maynila na siyang bubuo sa Archdiocesan Committee Against Human Trafficking (ACAHT Manila).
“The CBCP-ECMI conducted its 6th Capacity Training to Combat Human Trafficking for the Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM), in partnership with the Archdiocesan Commission for Migrants and Itinerant People (ACMI), on August 29–30, 2025, at the Pope Pius XII Catholic Center, UN Avenue, Manila. A total of 24 participants from various parishes and ministries within the Archdiocese attended the training. They were carefully selected to form the Working Team tasked with establishing the Archdiocesan Committee Against Human Trafficking (ACAHT Manila). The training was supported by the Arise Foundation.” Pagbabahagi ng CBCP-ECMI.
Tampok sa ikalawang araw ng pagsasanay na pinangasiwaan ni ECMI Luzon Coordinator Edmund Ruga ang talakayan hinggil sa layunin ng pagtatatag ng komite at pagbuo ng action plan para sa Arkidiyosesis ng Maynila.
Kabilang sa mga konkretong inisyatibo na isusulong ng bagong komite ay ang pagsasagawa ng courtesy visit ng working team kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula; at paglulunsad ng mga information at awareness campaigns sa mga paaralan, parokya, at barangay kaugnay sa panganib ng human trafficking.
Bukod dito inaasahan rin ang paghahanda ng isang Manila Summit on Human Trafficking na layuning pagtibayin ang pakikipagtulungan ng Simbahan at ng limang lokal na pamahalaan sa ilalim ng arkidiyosesis upang maprotektahan ang mga mamamayan mula sa iba’t ibang uri ng human trafficking sa lipunan.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, ipinakita ng Simbahan ang patuloy na misyon nitong ipaglaban ang dignidad ng bawat tao at maging katuwang ng lipunan sa pag-ugat ng solusyon laban sa human trafficking.