512 total views
Ang pagpuna at pagtatama sa mga pagkakamali ay isang pagpapahayag ng pagmamahal sa kapwa.
Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa pakikibahagi at aktibong pagpuna ng Simbahan sa mga nagaganap sa lipunan.
Sa homiliya ni Bishop Pabillo sa isinagawang Healing Mass sa Veritas, ipinaliwanag ng Obispo na ang pagsasalita at pagtutuwid ng Simbahan sa mga maling nagaganap sa lipunan ay bunga ng malalim na pagmamahal sa bayan.
Sinabi ng Obispo na tungkulin ng Simbahan na pigilang malugmok sa kasamaan at kahirapan mula sa mga katiwalian at maling paraan ng pamahahala ang bansa.
“We help one another to grow that’s why to correct is to love, correcting is a manifestation of love gayundin sa lipunan, kaya ang tanong natin sa simula bakit nagsasalita ang Simbahan? Bakit pumupuna ang Simbahan? Ito ay dahil sa pagmamahal, mahal natin ang bayan ayaw natin na ito ay malugmok sa kasamaan kaya pinupuna natin ang mga katiwalian na makasasama sa bayan”pagninilay ni Bishop Pabillo sa Healing Mass sa Radio Veritas.
Binigyang diin rin ng Obispo, na hindi dapat maging balat-sibuyas o masamain ng mga halal na opisyal ng pamahalaan ang mga puna at pagtutuwid ng iba’t ibang sektor ng lipunan para matiyak ang kapakanan at kabutihan ng sambayanan.
Nilinaw ni Bishop Pabillo na may karapatan ang mga mamamayan na ipahayag ang kanilang mga saloobin sa mga maling pamamahala sa bansa dahil sa buwis at boto ng mamamayang Filipino ay naluklok ang mga halal na opisyal ng bayan.
“Huwag lang sana masamain ng mga tinatamaan ng puna dapat huwag magpersonalan, listen to reason and look for the common good and those in public office should not be onion-skinned. Sila ay public figures and people see them and they should serve the people because they are in office because of the vote and the money of the people. So the people have the right and the duty to make their views known to those who represent them, the people more than those who govern know what is good for them, kaya huwag maging balat-sibuyas kung may mga puna laban sa kanila at sa kanilang ginawa…”Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Hinikayat naman ng Obispo ang bawat isa na huwag matakot magsalita at magpahayag ng mga saloobin upang maituwid ang mga maling gawi ng kapwa at maging ng pamahalaan.
“As Church and I mean not only as bishops, as priests but also as lay people because we are all the Church we have to speak out and to speak out loud and clear in order to bring people to repentance if we keep silence pananagutin tayo ng Diyos sa kapahamakan ng masasama at sa kapahamakan ng bayan.” Ang hamon ni Bishop Pabillo.