595 total views
Umapela si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mananampalataya na patuloy suportahan ang mga pastol ng simbahan kasabay ng pagdiriwang sa Linggo ng mga Kura Paroko.
Paliwanag ni Bishop Pabillo higit kinakailangan ng mga pari ang dasal at suporta upang makapagpatuloy sa gawaing pagmimisyon lalo na sa mga parokya.
“Ipanalangin natin ang mga kaparian, nawa sa tulong ng panalangin at halimbawa ni St. John Baptist Marie Vianney ang mga pari ay maging banal tulad ng kanyang paglilingkod,” pahayag ni Bishop Pabillo.
August 4, nang ipagdiwang ng simbahan ang kapistahan ni San Juan Maria Vianney kaya’t inilaan ng simbahan sa Pilipinas ang Linggo na malapit sa nasabing petsa para sa mga pari lalo na ang mga namamahala sa mga parokya.
Nagsagawa ng second collection ang bikaryato para tulungan ang mga gawain ng paghuhubog at pagsasanay sa mga pari na makatutulong sa paglilingkod sa mananampalataya.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, bagamat dumaan sa mahabang panahon ng pag-aaral bago maging pari mas mahalaga na maipagpatuloy ang mga paghuhubog sapagkat nagbabago ang mga hamon sa mga pari sa kanilang paglilingkod sa komunidad.
“Tulungan natin ang patuloy na paglago nila sa kanilang bokasyon sapagkat sila ang gabay natin sa pananampalataya,” giit ni Bishop Pabillo.
Sa Pilipinas nasa 10-libo ang mga pari na nangangasiwa sa mahigit 80-milyong katoliko sa tatlong-libong mga parokya.