12,980 total views
Panawagan sa nalalapit na impeachment trial ni VP Duterte: Ituon sa kapakanan ng bayan, hindi sa interes ng pulitika.
Nanawagan ang isang opisyal ng simbahan sa mga mambabatas na panatilihing nakatuon ang kanilang pananaw sa kapakanan ng sambayanan sa gitna ng nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Committee on Public Affairs, sa halip na pansariling interes, bigyang pagpapahalaga ang kung ano ang makakabuti sa bayan.
Nangangamba ang pari na hindi hindi makamit ang buong katotohanan mula sa prosesong ito, dahil sa nangingibabaw na pansariling interes ng mga nasa kapangyarihan.
“Malabong malaman din ng taong-bayan ang buong katotohanan dahil politiko ang pinapanigan dito at hindi ang kung ano ang makabubuti sa bayan,” ayon kay Fr. Secillano.
Ayon pa sa pari, malinaw na bago pa man magsimula ang impeachment proceedings, hati na ang bayan at may ideya na rin ang publiko kung sino sa mga senador ang papanig at sino ang hindi. “Bago pa man mag-simula ang impeachment, hindi na rin lingid sa taong-bayan kung sino sa mga senador ang susuporta sa bise presidente at kung sino ang hindi.”
Sa gitna ng patuloy na tensyon sa larangan ng pulitika, nanawagan si Fr. Secillano ng higit na pananagutan, katapatan, at integridad mula sa mga lider ng bayan.
Giit pa ng pari, mahalagang tiyakin na ang mga desisyong ginagawa sa loob ng Kongreso at Senado ay para sa ikabubuti ng bansa, at hindi para sa kapakinabangan ng iilan.




