16,250 total views
Malaki ang tungkuling ginagampanan ng Knights of Columbus (K of C) sa kristiyanong pamayanan.
Ayon kay K of C Supreme Chaplain, Baltimore Archbishop William Edward Lori, bukod sa pinakamalaking samahan ng mga kalalakihang katoliko sa mundo nangunguna ang K of C sa pagtataguyod at pagtatanggol sa pananampalataya.
Naniniwala ang arsobispo na sa pamamagitan ng mga gawain ng K of C ay maisulong ang maunlad at mapayapang pamayanang nakatuon kay Hesukristo.
“They do an immense amount of charity around the world, but they also help form men to be better husbands, better fathers, better disciples of the Lord, and also to be Knights who are on mission to promote devotion to the Eucharist, on mission to carry forward the work of evangelization,” pahayag ni Archbishop Lori.
Kinilala ng opisyal ang K of C sa Pilipinas sa patuloy na paglago ng grupo na may humigit kumulang sa kalahating milyong kasapi kaakibat ang tungkuling paghuhubog lalo na sa kabataan.
Iginiit ni Archbishop Lori na dapat mahubog ang sarili sa ninanais ng Panginoon upang magtagumpay sa mga gawain sa kristiyanong pamayanan.
Hamon din ni Archbishop Lori sa mga kasapi ng fraternal organization na pagtuunan ng pansin ang paggabay sa mga pamilya tungo sa mas mapayapa at maayos na lipunan.
“That’s really our challenge also the family life, how critical is that for the future of all societies and for the church, and for the young. And so, I think to be good husbands, good fathers, to form families that are unified, peaceful, joyful, where young people can grow,” giit ng arsobispo.
Napapanahon din ang hamon ng arsobispo lalo’t nahaharap ang bansa sa banta ng pagsasabatas ng diborsyo gayong ipinasa ng mababang kapulungan ng kongreso ang Absolute Divorce Bill.
Pinangunahan ni Archbishop Lori ang Banal na Misa sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral nitong August 15 sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria.
Ang Knights of Columbus ay samahan ng kalalakihang itinatag ni Fr. Michael J. McGivney noong 1882 alinsunod sa ‘principles of charity, unity and fraternity’. Kabilang sa mga dumalo sa misa ang pamilya ni K of C Supreme Knight Patrick Kelly at mga opisyal ng K of C Luzon.