3,287 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang Lunes ay nagsimula na ang termino ng mga nanalo sa nakaraang eleksyon. Maraming mga opisyal—mula sa mga senador hanggang sa mga gobernador, mayor, at konsehal—ang nanumpa sa pasinaya ng kanilang termino.
Unahin natin ang mga senador. Sa pagsisimula ng termino ng labindalawang bagong senador, naghain din sila ng kani-kanilang priority bills.
Si Senador Erwin Tulfo ay nagpanukala sa pag-review sa Rice Tarrification Law. Layon niyang bigyan muli ang National Food Authority ng kapangyarihan na bumili o mag-angkat ng bigas sa mga lokal na magsasaka upang maibenta ito sa mas murang presyo. Naghain din siya ng sarili niyang bersyon ng National Land Use Act.
Ipinanukala naman ni Senador Bam Aquino ang E-textbook Act na hangad bigyan ng mas malawak at libreng access ang mga guro at mag-aaral sa mga textbooks ng DepEd sa pamamagitan ng internet.
Si Senador Tito Sotto naman ay naghain ng mga panukalang batas katulad ng People’s Freedom of Information Bill at Anti-False Content and Fake News Bill.
Nagsimula na rin ang mga local chief executives sa kani-kanilang mga bayan at lungsod.
Sa kanyang huling termino, nangako si Pasig City Mayor Vico Sotto na ipagpapatuloy niya ang kanyang good governance agenda, na layuning tanggalin ang korapsyon sa kanilang lokal na pamahalaan at magpatupad ng mga patakarang nakatutulong sa mga taga-Pasig.
Sa kanyang unang termino bilang bagong alkalde ng Naga City, patakaran din ni dating Vice President Leni Robredo na alisin ang korapsyon sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga confidential funds, transparent procurement, at regularisasyon ng mga kawani ng Naga LGU. Sa mga paraang ito, nais niyang maging mabilis at mabisa ang paghahatid ng serbisyo publiko sa mga taga-Naga.
Sana all!
Talagang kapanapanabik ang panibagong termino ng ating mga pambansa at lokal na mga opisyal. Sa isang banda, ang pagpapakitang-gilas na ito ng mga nanalo noong eleksyon ay isang magandang tanda ng kasabikan sa paglilingkod. Sa kabilang banda, isa ring matinding pananagutan para sa kanila ang kanilang mga pangako. Ang tanong o ang hamon natin sa kanila ngayon ay: “Magagampanan o maisasakatuparan niyo ba ang lahat ng inyong mga ipinangako?”
Pinaaalalahanan tayo ng ating mahal na Inang Simbahan na tayo ay may responsabilidad na makilahok sa pamamahala. Sinabi ni Saint Pope John Paul II sa Centessimus Annus na pinahahalagahan ng Simbahan ang demokrasya sa punto na ang mga mamamayan ay nakikibahagi sa mga gampaning pulitikal at sa pagpapanagot ng kanilang mga inihalal na pinuno.
Sa yugtong ito ng ating kasaysayan at pulitika, mahalaga na tayong mga mamamayan ay hindi lang mga tambay katulad ni Juan Tamad na naghihintay na lang na bumagsak ang mga bunga para makakain. Hindi! Inaasahan tayo ng Simbahan at ng ating bayan na kumilos. Panagutin natin ang ating mga lider kapag sila ay umaabuso sa kapangyarihan at ginagamit sa mali ang pondo ng bayan. Makipagtulungan tayo sa pagpapatupad ng programa at patakarang tunay na pakikinabangan ng taumbayan. Taimtim din nating ipanalangin sila para maging mga mabubuting lider ng ating bayan.
Mga Kapanalig, ang ating mga pinuno ay mga katiwala. Ang kanilang paglilingkod ay bunga ng tiwala at pag-asa ng publiko sa kanilang mga kakayahan, hangarin, at programa. Sa kanilang pagsisimula, atin silang suportahan at panagutin sa kanilang tungkulin. Nawa’y maging tiwala at hindi katiwalian ang manaig sa kanilang puso sa paglilingkod sa Diyos at bayan. Umaasa ang Diyos sa kanila, bilang Kanya ring katiwala, na, ayon nga sa Lucas 16:10-12, “ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami.” Public office is public trust. Ka-tiwala, hindi ka-tiwali!