566 total views
Kapanalig, bigyan nating pansin ang sitwasyon ng ating kabataan. Nagiging malalim na ang mga sugat na naidudulot natin sa kanila dahil hindi sapat ang ating nabibigay na atensyon sa kanilang sitwasyon.
Marahil marami sa atin ang bingi na sa mga nagiging nakaka-alarmang praktis ng mga kabataan ngayon. Marami sa kanila, dahil sa teknolohiya, ay napapariwara.
Ang kombinasyon ng natural na “adventurism at exploration” sa mga kabataan at ang teknolohiya ay nagiging dahilan ng maagang pagbubuntis at pag-aasawa ng marami sa ating mga kabataan. Maraming mga kabataan nga ang nagsasabi na nagsisimula ang kanilang relasyon mula sa text o chat lamang. Ang mga hindi magkakakila ay biglang nagiging “intimate” dahil sa mabilis na palitan ng mga salita na nagbibigay ng maling pag-aakala o persepsyon ng pagiging “close” at malalim na pagkakakilala. Ang ugnayang ito ay mahirap ma-monitor o macheck ng mga magulang dahil nangyayari ito “online.”
Sa ngayon nga kapanalig, isa sa tatlong kabataang Pilipino ay may karanasan na ng premarital sex. Ito ay isa sa mga dahilan ng pagtaas ng teenage pregnancy sa ating bansa. Habaang bumaba sa buong mundo ang bilang ng mga teenage pregnancies, sa ating bansa, patuloy itong tumataas.
Ayon sa 2013 National Demographic and Health Survey, isa sa sampung 15 to 19 years old na babae sa ating bansa ay buntis o nanay na. Kapanalig, ang teenage pregnancy ay high-risk o mapanganib. Ang pagbubuntis sa murang edad ay nagdudulot ng maraming komplikasyon sa bata o teenager. Isa sa ito sa mga dahilan ng maternal mortality. Nakamamatay, kapanalig, ang maagang pagbubuntis. Maraming mga buntis na teenagers ay nakakaranas ng eclampsia at pagdurugo. Ayon sa World Health Organization, ang mga komplikasyon na dulot ng maagang pagbubuntis at at panganganak ay ang pangalawang dahilan ng kamatayan ng mga batang may edad 15 hanggang 19 years old.
Kapanalig, ang Department of Education at ang Department of Health ay may mga programa para sa mga kabataan na tutok sa teenage pregnancies. Paigtingin natin ito at palawakin. Ito ang isa mga dapat ma-highlight na proyekto ng gobyerno. Kailangan din abutin natin ang mga out-of-school youth sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga programa ng barangay para sa proteksyon ng mga bata. Ang TESDA ay maari ring magpalawig ng mga programa nito para sa mga out-of-school youth.
Ang kabaataan kapanalig, ay umaasa sa ating mga “adults” para sa maayos na gabay. Ang gabay ay hindi lamang ukol sa sermon at pagpapaliwanag, kailangan din natin maglatag ng mga gawain at programa, mula sa tahanan hanggang sa malawakang lipunan. Ihanda natin ang kanilang kinabukasan at sabayan natin sila sa pagtahak nito.
Si Pope Francis ay may mahalagang payo sa mga kabataan noong World Youth Day 2016 na nawa’y maging inspirasyon nating lahat: “So I ask you: Are you looking for empty thrills in life, or do you want to feel a power that can give you a lasting sense of life and fulfillment? Empty thrills or the power of grace? To find fulfillment, to gain new strength, there is a way. It is not a thing or an object, but a person, and he is alive. His name is Jesus Christ.”