2,537 total views
Mga Kapanalig, kahit sa sarili nating karagatan, tila hindi ligtas ang mga mangingisdang Pilipino.
Sa pagpasok ng Disyembre, tinarget ng mga barko ng Chinese Coast Guard ang humigit-kumulang 20 bangkang pangisda sa West Philippine Sea. Ayon sa Philippine Coast Guard, binomba ang mga bangka ng water cannon at ginamitan ng mapanganib na blocking maneuvers. Nangyari ito malapit sa Escoda Shoal na nasa loob ng ating exclusive economic zone. Tatlong mangingisda ang nasugatan. Dalawang bangkang kahoy nila ang nasira.
Hindi na bago ang panggigipit ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda, pero ito ang unang pagkakataon na direktang itinapat sa kanila ang water cannon. Malinaw na nalagay sa panganib ang buhay ng mga mangingisda. Kitang-kita sa ebidensya kung gaano kalakas ang bugso ng tubig mula sa water cannon. Kayang-kayang ilubog ng tubig ang mga bangka at ang mga mangingisdang sakay ng mga ito.
Inakusahan ng pamahalaang China ang Pilipinas ng pagbabaluktot sa mga pangyayari. Ipinagtanggol nito ang aksyon ng kanilang coast guard. ”Reasonable, lawful, professional and restrained“ daw ang pambobomba ng tubig sa mga mangingisda. Kaya gagawa raw ang pamahalaang China ng “strong and effective measures” laban sa mga papasok sa inaangkin nilang teritoryo. Iginiit naman ng ating Department of National Defense na ang marahas na ginawa ng Chinese Coast Guard ay hindi maituturing na effective measure dahil may mga buhay na nanganib.
Ilang mambabatas ang nagsusulong na isama ang isyu ng West Philippine Sea sa basic education curriculum. Malalabanan daw nito ang disinformation hinggil sa karapatan ng ating bansa sa teritoryo at karagatang saklaw natin. Sa Senate Bill No. 1424, ang kaalaman tungkol sa West Philippine Sea ay hindi lang magpapalakas ng nasyonalismo ng kabataan, kundi magbibigay rin sa kanila ng malinaw at makatotohanang pag-unawa sa soberanya ng Pilipinas alinsunod sa international law. Sa ilalim naman ng Senate Bill No. 1412, ipaliliwanag sa mga estudyante ang exclusive economic zone, ang mga umiiral na batas-pandagat gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (o UNCLOS), pati ang pangkapaligiran at pang-ekonomiyang halaga ng WPS. Tatalakayin din ang karanasan ng mga Pilipinong matagal nang nangingisda sa dagat na pilit inaagaw sa atin. Ganito rin ang matagal nang iminumungkahi ng Akbayan Party-list. Dapat bahagi ng pagtuturo ng kasaysayan at heograpiya sa elementarya at high school ang West Philippine Sea. Dapat daw maunawaan ng bawat batang Pilipino kung bakit mahalaga ipagtanggol ang karagatang tayo ang may karapatang mangasiwa.
Pinaaalalahanan tayo ng Pacem in Terris na walang bansang may karapatang gumawa ng anumang nagdudulot ng di-makatarungang pang-aapi sa ibang mga bansa o ng di-makatwirang panghihimasok sa kanilang mga gawain. Sa mga nangyayari sa West Philippine Sea, malinaw na may isang dayuhang puwersa ang nagsasagawa ng agresibong aksyon sa loob ng teritoryo ng isang bansa. Ang masaklap, pinakanaapektuhan ang mga ordinaryong mamamayan—ang ating mga mangingisda.
Sa papalapit na Kapaskuhan, inihahanda natin ang ating mga puso sa pagdating ni Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa gitna ng tensyon sa ating mga karagatan, pinaaalalahanan tayo na ang tunay na kapayapaan ay nagmumula sa paggalang sa dignidad at karapatan ng bawat isa. Ipanalangin natin ang kapayapaan para sa ating bansa, gaya ng sinasabi sa Awit 29:11: “Ang Panginoon ay magbibigay ng kalakasan sa kanyang bayan; pagpapalain ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan.”
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang mga mangingisdang Pilipino at ang mga kawani ng Philippine Coast Guard na patuloy na humaharap sa panganib sa dagat. Nawa’y magsilbing paalala ang Kapaskuhan na hindi sila nag-iisa, na pananagutan nating lahat ang pagsusulong ng kapayapaan at pagtataguyod ng katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.




