450 total views
Mula sa biyaya ng Panginoon ang kalayaang tinatamasa ng bayan.
Ito ang mensahe ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico kasabay ng paggunita ng bansa sa ika-124 na Araw ng Kalayaan sa June 12.
Ayon sa Obispo, dapat na isabuhay ng mamamayan ang pananagutan at tungkuling kaakibat ng biyayang kalayaan ng Panginoon sa sambayanan.
Paliwanag pa ni Bishop Famadico tulad ng pagiging masisigasig ng mamamayan sa pagpili ng mga bagong opisyal ng bayan sa nakalipas na halalan ay dapat ring maging mapagbantay ang lahat sa pagtiyak ng pananatili ng kapayapaan, kaunlaran at katiwasayan ng pamayanan.
“Maraming Salamat sa Diyos sa kaloob na kalayaan sa ating bansa. Dapat natin itong isabuhay nang may pananagutan. Kung paanong ang bawat botante ay may parte sa pagpili ng ating mga pinuno, ang bawat mamamayan ay may parte rin upang maging mapayapa, maunlad at matiwasay ang lugar na doon siya nakatira,” ng bahagi ng pahayag ni Bishop Famadico sa Radio Veritas.
Ang Araw ng Kasarinlan ay ipinagdiriwang ng bansa tuwing ika-12 ng Hunyo sa bisa ng batas na nilagdaan noong Augut 4, 1964 ng dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Tema ng 124th Independence Day ang Rise Towards the Challenge of a New Beginning.
Layunin ng tema ng Araw ng Kalayaan ngayong taon ay upang bigyang diin ang sama-samang pag-ahon ng bawat Pilipino mula sa iba’t ibang hamong kinaharap ng bansa sa nakalipas na taon kabilang na ang malawakang krisis na dulot ng pandemya.