213 total views
Nagpahayag ng pagkabahala si Rev. Fr. Amado Picardal, CSSR – Executive Secretary ng CBCP – Episcopal Committee on Basic Ecclesial Communities kaugnay sa tila pagsasawalang bahala ng mga mamamayan sa kasalukuyang paglaki ng bilang ng mga namamatay gitna ng operasyon ng mga pulis laban sa illegal na droga.
Pagbabahagi ng Pari, bukod sa sunod-sunod na kaso ng pagkamatay ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot ay mas nakababahala ang tila pagbabalewala ng mga mamamayan sa kawalan ng ‘due process’ sa lipunan.
Iginiit ni Father Picardal na mas nakababahala ito lalo’t kung iisipin ay karamihan ng mga Filipino ay mga Katoliko’t Kristyano na dapat sana’y silang unang nagtatanggol at nagbibigay proteksyon sa kasagraduhan ng buhay.
“If this will continue and this will worsen, I think there is madness that is happening in our country today and what more is hindi lang yung killings but the reaction of the citizens at saka majority pa ay mga Katoliko, mga Kristyano para bang their suspending their source of what is right and wrong kasi yung iba either quiet or they approve of it kasi the thing is justified until ang member sa kanilang family ay ma-included and that is my worry that this will not stop kasi tayong mga citizens eh there’s no outcry, there is no moral outcry…”pahayag ni Father Picardal sa panayam sa Radio Veritas.
Batay nga sa pinakahuling tala ng Philippine National Police, tinatayang umaabot na sa higit 18-libo ang naaresto dahil sa ilegal na droga, higit 6 na libong indibidwal ang kusang sumuko habang tinatayang umaabot na sa higit 100 ang kaso ng drug-related killings matapos ang naganap na pambansang halalan noong buwan ng Mayo o katumbas ng 7 hanggang 10 kaso ng pagpatay kada araw.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang sinasabing gawain lalo na at sinisentensiyahan ng kamatayan ang mga indibidwal na nagkasala ng hindi dumaraan sa tamang at legal na proseso na isang paglabag sa kanilang dignidad at karapatan na mabuhay.