182 total views
Nanawagan ng Moratorium ang Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) sa kasalukuyang istilo ng operasyon ng mga pulis laban sa illegal na droga sa bansa.
Iginiit ni Rose Trajano – Secretary General ng PAHRA, dapat na pansamantalang ipagpaliban muna ng Philippine National Police ang mga operasyon nito, upang muling masuri ang kasalukuyang sitwasyon partikular na ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa gitna ng operasyon laban sa illegal na droga.
Dagdag pa Trajano, dapat ring imbestigahan ang sinasabing isa-isang pagpatay sa mga police asset upang hindi maituro o maidamay ang iba pang mga pulis na maaring may kinalaman rin sa ipinagbabawal na gamot.
“More than 150 na ang napapatay, kaya po sa tingin ko po mag-moratorium muna sila, umupo sila, mag-assess sila – anong nangyayari, mag-evaluate sila – bakit nagkakaganito? Kaya naman pala nilang pasukuin yung mga iba, bakit yung iba ay kailangang patayin? Kailangan itong ma-explore ng maige kung totoo man na itong mga pinapatay na ito ay mga sinasabi nilang police asset at baka madamay ang mga pulis kapag hindi nila napatumba itong mga tao na ito…’ pahayag ni Trajano sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, iginiit rin ni Trajano na kinakailangang tiyakin na walang nilalabag na batas ang mga pulis partikular na ang Police Operational Procedure, Rule of Law at Rule of Engagement na sumasaklaw pa rin aniya sa karapatang pantao maging ng mga pinaghihinalaang nagkasala sa batas.
“Mukhang kailangan po uling silipin, papaano ba yung pamamaraan na ginagawa ng ating mga kapulisan baka po marami ng mga excises, baka po hindi na sumusunod doon sa kanilang Police Operational Procedure, sa Rule of Law, sa Rule of Engagement na nakapagba-violent na po ng Human Rights ng mga kriminal..” dagdag pa ni Trajano.
Nasasaad nga sa Article III Bill of Rights, Section 1 ng Saligang Batas na hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, or ari-arian ang sino mang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
Batay sa pinakahuling tala ng PNP, tinatayang umaabot na sa higit 18-libo ang naaresto dahil sa ilegal na droga, higit 6 na libong indibidwal ang kusang sumuko habang tinatayang umaabot na sa higit 100 ang kaso ng drug-related killings matapos ang naganap na pambansang halalan noong buwan ng Mayo.