1,128 total reads
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga paring Koreano at mga consecrated men and women na maging tagapagtaguyod ng pagkakasundo at kapayapaan sa gitna ng patuloy na pagkakahati ng Korean Peninsula.
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga Korean priest at religious na naninirahan sa Roma, sinabi ng Santo Papa na nagsisimula ang kapayapaan sa puso at sa araw-araw na pakikipag-ugnayan sa kapwa.
“Peace begins in the heart and in our daily relationships, when we listen rather than judge, forgive rather than harbor resentment, and choose communion rather than confrontation,” ayon kay Pope Leo XIV.
Hinikayat ng Santo Papa ang mga Korean clergy at religious na pagtibayin ang pagbubuklod upang maging mga tagapagtaguyod ng kapayapaan.
Nanawagan si Pope Leo ng patuloy na panalangin at pagkilos upang mabuksan ang mga bagong hakbang sa pagkakasundo at maipahayag ang Ebanghelyo ng kapayapaan sa buong Korean Peninsula.
Binigyang-diin ng punong pastol ang kahalagahan ng araw-araw na pagsasakripisyo at paglilingkod, na iniuugnay niya sa patotoo ng mga Korean martyr.
Kinilala ng Santo Papa ang mga Korean martyrs na nag-alay ng kanilang buhay para sa pananampalataya na aniya’y isang hamon para sa lahat ng binyagan.
“Yes, this is what all Christians are called to do: to give their lives in love, each day,” ani Pope Leo.
Hinimok din niya ang mga mananampalataya na maging masigasig na gumawa ng kabutihan, kaakibat ng sakripisyo, tulad ng pakikipag-ugnayan sa mga nag-iisa, pagtulong sa mga napapagod, paghahanap sa mga lumayo, at pagkamit ng lakas ng loob na magpatawad.
“Goodness is not always recognized and often demands sacrifice; yet it is precisely this daily courage of charity that makes our proclamation of the Gospel credible,” ayon sa Santo Papa.
Samantala, kinilala ni Pope Leo ang mga pagbabago sa papel ng Simbahan sa Korea, kung saan mas umigting ang pagmimisyon.
“Korea, once a mission land, has today become a land that sends forth missionaries,” ani ng Santo Papa.
Iniuugnay naman niya ang pamana ng mga Korean martyr sa World Youth Day Seoul 2027, na aniya’y magiging pagkakataon para magtagpo ang alaala ng pananampalataya at ang kinabukasan ng kabataan.
Hinikayat niya ang mga pari at mga relihiyoso na makilakbay sa mga kabataan at tulungang maunawaan na ang pagsunod kay Kristo ay hindi sumisiklab sa kalayaan kundi nagdadala rito sa kaganapan.
“Never grow weary of doing good, even when it is costly and even when no one sees it. No act carried out in love is ever lost before God,” aniya.




