14,378 total views
Mariing kinondena ng Archdiocese of Cebu ang karahasang naganap sa loob ng San Fernando El Rey Parish sa Liloan, Cebu noong Oktubre 24, 2025, kung saan isang babae ang natagpuang patay sa loob mismo ng simbahan.
Sa opisyal na pahayag ni Archbishop Alberto Uy, ipinahayag niya ang matinding dalamhati at pakikiisa sa pamilya ng biktima.
“We unite in prayer for the victim’s family as we condemn in the strongest terms this act of violence committed within the very house of God,” ani Archbishop Uy.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang babae ang natagpuang walang buhay sa likurang bahagi ng simbahan, may sugat sa ulo at mga galos sa leeg na palatandaan ng pananakal.
Ayon sa mga candle vendors, may isang lalaking mabilis na lumabas ng simbahan bago natagpuan ang katawan ng biktima. Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya, kabilang ang pagsusuri ng mga CCTV footage sa lugar.
Bunsod ng karahasang nangyari sa loob ng sagradong lugar, ipinahayag ng arsobispo na pansamantalang isasara ang simbahan alinsunod sa Canon 1211 of the Code of Canon Law, na nagsasaad na ang isang banal na pook ay itinuturing na desecrated kapag ito ay dumanas ng matinding paglapastangan na nagdudulot ng iskandalo sa mga mananampalataya.
“I, as the Archbishop of Cebu, decree the temporary closure of the Parish Church of San Fernando Rey, Liloan. All public acts of divine worship are to be suspended until proper canonical procedures are completed,” dagdag pa ni Archbishop Uy.
Ipinaliwanag ng Archdiocese na ang pagsasara ay bahagi ng mga Acts of Reparation, o mga seremonyang itinatakda ng simbahan upang maibalik ang kabanalan at dangal ng lugar bago muling ipagpatuloy ang mga misa at gawaing pampananampalataya.
Sa pansamantala, isasagawa ang mga Banal na Misa at iba pang aktibidad ng parokya sa Parish Pastoral Center.
Nanawagan din si Archbishop Uy sa mga mananampalataya na harapin ang trahedya nang may malasakit at panalangin.
“I ask the faithful to respond to this tragedy not with anger, but with prayer, compassion, and solidarity, especially for the victim and her family,” aniya.
Dagdag pa ng arsobispo, nananalangin ang simbahan na makamit ng pamilya ng biktima ang katarungan at agarang mahuli ang may kagagawan ng krimen.
Hinimok din ni Archbishop Uy ang lahat na patuloy na igalang ang buhay at mga sagradong pook.
“Let us all reaffirm our respect for every human person and for the sanctity of our sacred spaces, which are meant to be places of refuge, reverence, and healing,” giit ni Archbishop Uy.




