3,665 total views
Pinuri ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP–ECPPC) ang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Bureau of Corrections (BuCor) at University of the Philippines (UP), na layong palawakin ang access sa edukasyon para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na bahagi ng kanilang paghahanda sa muling pagbabalik sa lipunan.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, tagapangulo ng CBCP–ECPPC, isang mahalagang hakbang ang pagtutulungan ng dalawang institusyon upang mabigyan ng mas malawak na pagkakataon sa pagkatuto ang mga bilanggo.
“This is a good move because it will help our PDLs be equipped while serving their verdicts. And this will be a way of giving them dignity as persons. When they go out more or less, they can be inserted into the mainstream of society,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radyo Veritas.
Sa ilalim ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA), magkakaroon ng access ang mga kawani ng BuCor at mga PDL sa mga Massive Open Online Courses (MOOCs) ng UP Open University (UPOU), na nakatuon sa edukasyon at workforce development.
Makikipagtulungan din ang UP Alumni Association (UPAA) sa BuCor at UPOU para sa paghahanda ng mga information materials, pagtanggap ng mga katanungan, pagpapatala, at gabay sa pagsasakatuparan ng programa.
Bukas din ang Job Placement Office ng UPAA para sa mga PDL na makakatapos ng kurso sa UPOU at palalayain na ng BuCor, bilang suporta sa kanilang paglipat tungo sa panibagong buhay.
Bukod sa kasunduang pang-edukasyon, bahagi rin ng MOA ang land exchange sa pagitan ng BuCor at UP. Gagamitin ng BuCor ang 500 ektaryang lupain ng UP sa Laguna–Quezon land grant para sa pagtatayo ng Regional Prison Facility sa Laguna, bilang paghahanda sa planong pagsasara ng New Bilibid Prison sa 2028.
Kapalit nito, maaaring gamitin ng UP ang 500 ektaryang lupain ng BuCor sa Iwahig, Puerto Princesa City, Palawan para sa pagtatayo ng mga pasilidad pang-edukasyon.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., magsisilbing huwaran ang kasunduang ito para sa mga susunod pang pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan na layuning paigtingin ang pagbibigay ng makabuluhang serbisyo publiko.
Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan sina Director General Catapang, UP President Atty. Angelo Jimenez, UPOU Chancellor Dr. Joane Serrano, at UPAA President Robert Lester Aranton.