7,190 total views
Pinasalamatan ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. ang Panginoon sa patuloy na paggabay sa kanyang misyon bilang pastol ng diyosesis, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang unang anibersaryo bilang obispo.
Inanunsyo ng obispo na magkakaroon ng kauna-unahang diocesan synod ang Diocese of Cubao sa susunod na taon upang sama-samang suriin ang naging paglalakbay ng lokal na simbahan mahigit dalawang dekada matapos itong maitatag.
“We look forward to the convocation of our first diocesan synod next year,” ani Bishop Ayuban, na iginiit ang pangangailangang pag-ibayuhin ang espiritwal na pag-uusap at pagtutuwang sa misyon ng diyosesis.
Kinilala rin ng obispo ang mga pari, relihiyoso at laykong katuwang niya sa paglilingkod, lalo na sa mga gawaing nagtataguyod ng moralidad at espiritwalidad ng pamayanan.
“With God’s grace and with you walking with me, every step of this journey is worth taking. I know that God still has a lot in store for us in the coming year and beyond,” aniya.
Sa misa, pinarangalan niya ang kanyang ina na si Genara Ayuban, na kamakailan lamang ay pumanaw.
Inihayag ng obispo na ang pagmamahal at pag-aaruga ng kaniyang ina ang humubog sa kanyang bokasyon.
“Every vocation, although it originates in the heart of God, passes through the heart of a mother,” dagdag ni Bishop Ayuban.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagsagawa ang diyosesis ng gift giving at pagpapakain sa mahigit 200 street dwellers, katuwang ang pribadong sektor sa pamamagitan ng Urban Poor Ministry.
Hiniling ng obispo ang patuloy na panalangin para sa katatagan at biyayang kailangan upang maipagpatuloy ang paglilingkod at maihatid ang diwa ng habag, pag-ibig, at pag-asa sa nasasakupan ng diyosesis.




