2,663 total views
Isasagawa ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ang kauna-unahang National Balangay Conference, kung saan magtitipon ang mga deboto ni Jesus Nazareno mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Fr. Ramon Jade Licuanan, rektor at kura paroko ng dambana, layunin ng pagtitipon na paigtingin ang katesismo ng mga deboto upang higit pang mapalalim ang kanilang pananampalataya.
“Isang makasaysayang gawain ang magaganap ngayong taon, ang unang National Balangay Conference. Layunin nitong tipunin ang mga deboto hanggang sa antas ng mga komunidad upang lalo pang mapalalim ang ating pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng debosyon kay Jesus Nazareno,” pahayag ni Fr. Licuanan sa Radyo Veritas.
Ipinahayag naman ni Mark Joseph Verdadero, head ng Hijos Del Nazareno (HDN) Affairs Office ng basilica, na ang kumperensya ay pagpapatuloy ng programa ng simbahan na pagdalaw ng imahe ni Jesus Nazareno sa mga piling diyosesis at parokya bago ang taunang kapistahan tuwing Enero 9.
Dagdag pa ni Verdadero, layunin din ng kumperensya na palalimin ang pag-unawa at kamalayan ng bawat balangay sa kanilang tungkulin, lalo na sa paghahanda at pagdiriwang ng kapistahan ng Jesus Nazareno.
“Layunin ng conference na maunawaan ng bawat balangay at deboto ang kanilang gampanin tuwing pista, at mapalalim ang kanilang kaalaman sa katesismo ng Simbahan kaugnay ng debosyon kay Jesus Nazareno,” ani Verdadero.
Tema ng pagtitipon ang “Maria, maging huwaran ng bawat deboto, inspirasyon tungo sa pagiging misyonerong disipulo,” na kaagapay sa tema ng Nazareno 2026 na “Dapat Siyang tumaas, at ako nama’y bumaba,” na hango sa Ebanghelyo ni San Juan 3:30.
Paliwanag ni Verdadero, nais ng basilica na itampok ang Mahal na Birheng Maria bilang huwaran ng mga deboto, sapagkat siya ang kauna-unahang ehemplo ng pagiging disipulo ni Jesus.
Gaganapin ang National Balangay Conference sa Nobyembre 26, 2025, sa Cuneta Astrodome, Pasay City, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Bukas ito para sa mga rehistradong balangay sa buong bansa.
Inaasahan ang pagdalo ng humigit-kumulang 4,000 deboto mula sa 600 balangay, kung saan hiniling sa bawat balangay na magpadala ng tig-limang kinatawan. Ayon sa datos ng Quiapo Church, mayroong humigit-kumulang 13,000 rehistradong deboto ng Jesus Nazareno sa buong Pilipinas.




