2,451 total views
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga koro ng Simbahang Katolika na pagyamanin ang kanilang ministeryo sa diwa ng pagkakaisa, kapakumbabaan at malalim na espiritwalidad, sa kaniyang homiliya para sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari sa St. Peter’s Square.
Pinangunahan ng Santo Papa ang banal na misa sa pagtatapos ng Jubilee of Choirs at binigyang-diin na ang liturgical music “ay hindi isang pagtatanghal kundi paglilingkod sa kawan ng Panginoon.”
Ayon sa kaniya, ang kapistahan ay paalala ng tunay na paghahari ni Kristo, na nahahayag sa “walang hanggang awa ng puso ng Diyos.”
Kaya’t mahalaga na ang mga koro ay maging daluyan ng panalangin at pag-asa ng sambayanan sa pamamagitan ng kanilang pag-aawit.
“His power is love, his throne the Cross, and through the Cross his Kingdom shines forth upon the world.” Idinagdag pa niya ang aral ni San Agustin na “Singing belongs to those who love,” bilang paalala na ang musika ay nagmumula sa puso at tumatawag patungo sa pag-ibig.
Pinasalamatan ng Santo Papa ang natatanging gampanin ng musika sa liturhiya na isang paraan upang maipahayag ang mga damdaming hindi kayang ilarawan ng salita.
Aniya, ang pag-awit ay hindi lamang pagpupuri kundi paglalantad din ng “pagdurusa, lambing at pagnanais” na dinadala ng bawat mananampalataya.
Hinamon din ng santo papa ang mga koro na iwasan ang “tukso ng pagpapasikat” at sa halip ay ituon ang sarili sa pagtulong sa mga mananampalataya na makilahok nang buo sa liturhiya.
“You are not on stage, but part of the community you serve. Being part of a choir means taking our brothers and sisters by the hand and helping them to walk with us,” ayon sa santo papa.
Inilarawan ni Pope Leo XIV ang mga koro bilang “maliit na pamilya” sa loob ng mas malawak na pamayanang simbahan, na dapat maging huwaran ng pagkakaisa kahit sa gitna ng hindi maiiwasang tensyon at pagkakaiba.
Sinabi rin niya na ang pagkakaisa ng mga koro ay nagiging buhay na tanda ng Simbahang sinodal na “sama-samang naglalakbay, nagpupuri sa Diyos at nagdadala ng pag-asa” sa gitna ng mga hamon ng panahon.




