16,457 total views

Homiliya para sa ika-28 na Linggo ng KP, 12 Oktubre 2025, 2 Hari 5:14-17; 2 Tim 2:8-13; Luk 17:11-19
“Kung tayo man ay maging taksil, mananatili pa rin siyang tapat. Sapagkat hindi niya maikakaila ang kanyang sarili.”
Ito po ang mabuting balita na ibig ko sanang pagnilayan natin, ngayong umaga. Mga salitang makapagbibigay sa atin ng lakas ng loob na lumapit at humingi ng tawad sa Diyos sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala, dahil likas sa Diyos ang manatiling tapat at maging mapagpatawad. At iyon din kasi ang ibig niyang matutunan natin sa kanya: ang maging tapat, dahil nilikha niya tayong kalarawan niya, at mga anak ang turing niya sa atin.
Minsan may nagtanong sa akin tungkol sa ating unang pagbasa. Bakit daw nag-uwi ng lupa galing sa Israel si Naaman sa kanyang bayan sa Syria matapos na siya ay gumaling? Ano daw ba ang ibig sabihin noon? Balikan natin ang kuwento. Binabayaran sana ni Naaman ng ginto ang propetang Eliseo matapos na maglublob siya sa maputik na ilog ng Jordan, na ayaw niya talagang gawin noong una. Para kasing nasaktan ang pride niya dahil hindi siya binigyan ng importansya ng propeta kahit meron siyang endorsement mula sa hari at mataas na opisyal na militar siya ng bayan ng Syria. Biro nyo nagpaabot lang ang propeta sa kanya ng salita: na lumublob nang makapitong beses sa maputik na tubig ng ilog Jordan kung ibig niya gumaling. Dahil sa galit, uuwi na sana ang heneral. Mabuti na lang at napigilan siya at naimulat ng kanyang alipin na dalagitang Israelita: “Ano po ba ang mawawala sa inyo kung sumunod kayo at magpakumbaba?” Nang lumamig ang ulo ng heneral, sumunod nga siya. Ginawa niya ang utos ng propeta at aba—gumaling siya! Luminis ang balat niya!
Balik tayo sa tanong: bakit nag-uwi siya ng lupa matapos na tanggihan ng propeta ang alok niyang gantimpalang ginto? Ang lupa ay simbolo ng pagpapakumbaba—sino nga ba tayo para magmalaki, e galing lang tayo sa lupa at babalik din sa lupa?
Mga kapatid, mga kapwa Pilipino. Ito po ang dahilan kung bakit bilang presidente ng CBCP, naglabas ako ng isang pambansang panawagan na tayong lahat ay manalangin, magpakumbaba at magsisi sa mga panahong ito ng napakaraming kalamidad at trahedyang nangyayari sa ating bayan. Gumawa tayo ng simbolikong paglulublob sa maputik na tubig ng korupsyon na lumulunod sa ating lipunan. Kung ibig nating luminis na muli at gumaling ang ating bayan sa ketong ng katiwalian. Magpakumbaba tayong lahat.
Alam nyo, minsan may isang matandang ale na lumapit sa akin para humingi ng payo. Bakit daw kaya sunod-sunod ang pagdapo ng mga kamalasan sa buhay niya? Ang pinakahuling kamalasan na tinuturing niya ay noong pinatay ang apo niyang lalaki na graduating na sana sa college at pinaghirapan niyang paaralin. Tinanong ko siya, “”Bat nyo naman naisip na minamalas kayo?” Sabi niya, “Kasi parang pinaparusahan ako ng Diyos.” Dahil nakita kong mabigat ang kalooban niya at humihingi siya ng tulong na makalag ang tanikalang gumagapos sa konsensya niya, binanggit ko sa kanya ang tatlong sangkap ng pakikipagkasundo sa Diyos: pag-amin, pagsisisi at pagbabayad-puri.
Mabilis na sinabi ng ale, “Inaamin ko po na noong una, kapag nakakarinig ako ng mga adik na tinotokhang at pinapatay nang kasagsagan pa ng giyera sa droga, wala akong pakialam. Tuwang-tuwa pa nga ako dahil, inisip ko na tama lang na mabawasan ang mga salot sa lipunan. Minsan nga nakita ko talaga iyung kapitbahay namin, hindi naman nanlaban noong kinaladkad sa kalsada, binaril talaga siya kahit nagmamakaawa. Pero tumahimik ako, hindi ako tumestigo. Kaya nga siguro ganoon din hinayaan ng Diyos na mangyari sa apo ko. Naisip ko, “Hindi kaya pinalalasap sa akin ng Panginoon ang naranasan ng kapitbahay namin?”
Sabi ko sa kanya: “Pwede ninyong tingnan bilang parusa. Pero pwede rin ninyong tingnan bilang paraan ng pagmumulat ng Diyos sa inyo dahil mahal niya kayo.” Naghahagulgol siya.
Minsan katulad ng ale, kapag sunod-sunod ang pagdapo sa atin ng trahedya at kalamidad, parang natutukso rin tayong mag-isip na minamalas tayo o pinaparusahan tayo, o galit sa atin ang Diyos. Sabi ni Santo Tomas de Aquino, minsan hinahayaan ng Diyos na mangyari sa atin ang isang bagay na masama kung may idudulot ito na mas higit pang kabutihan. Katulad ng sampung ketongin sa ating ebanghelyo. Kaya siguro naitanong ni Hesus nang bumalik ang isa—“Di ba sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam?” Kasi noong maysakit pa sila ng ketong, sama-sama sila kahit magkakaiba sila ng mga paniniwala: ang siyam ay Hudyo at ang isa ay Samaritano. Totoo, hindi ba, sa gitna ng kalamidad, nakakalimutan natin ang ating mga hidwaan. Hindi Katoliko, Proptestante, Iglesia o Muslim; hindi pula o berde, pink o dilawan sa pulitika ang nakikita mo, kundi kapwa tao. Kaya kung minsan maituturing ding parang blessing ang mga kalamidad—nagiging okasyon ang mga ito para lampasan ang ating mga pagkakaiba, para matuto tayong magdamayan. Para matuto tayong magpakumbaba, umamin ng ating mga pagkukulang, lumublob sa maputik na baha ng korapsyon ng lipunan na hinayaan nating maghari. Magsisi, makiisa sa pagkukumpuni, sa pagbabayad-puri, sa muling pagbubuo ng wasak nating lipunan, sama-samang maituwid na muli ang bumaluktot na kultura, tumalikod sa kasinungalingan at katiwalian, at matutong manindigan sa tama, matutong maging tapat, humingi ng tawad sa mga panahon na nakiisa tayo sa hindi tama, nakitawa tayo sa mga nagmumura sa Diyos, sa mga pumapatay sa kapwa, sa mga walang pakundangan sa dangal at dignidad ng tao.
Hindi naman po galit ang Diyos. Tapat pa rin siya. Sabi nga ni San Pablo: kahit magtaksil tayo, mananatili pa rin siyang tapat dahil hindi niya maikakaila ang kanyang sarili. Hindi niya tayo matitiis. Ibig lang niya na matauhan tayo,mahimasmasan sa ating kahibangan, magsisi at magbalik-loob sa kanya.




