4,811 total views
Muling inaanyayahan ng Diocese of Antipolo ang mananampalataya na makiisa sa taunang Alay Lakad patungong International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa Huwebes Santo.
Ayon kay Parish Priest, Antipolo Bishop Ruperto Santos ito ang natatanging panahon upang ipahayag ang malalim na pananampalataya ng mga Pilipino na nakikiisa sa sakripisyo ng Panginoon sa pamamagitan ng paglalakad ng 17 kilometro mula Metro Manila patungong Antipolo Cathedral.
Layunin ngayong taon na makilala ang Alay Lakad ng diyosesis sa buong mundo lalo na sa Guinness World Records bilang ‘Largest Gathering for a Walking Pilgrimage in 12 Hours’ sapagkat magsisimula ang paglalakad ng mga perigrino sa April 17, Huwebes Santo, sa alas sais ng gabi hanggang April 18, Biyernes Santo, sa alas sais ng umaga.
“Such a record would not only highlight the spiritual significance of the pilgrimage but also bring global recognition to the cultural and religious traditions of the Philippines,” pahayag ni Bishop Santos.
Matatandaang noong 2024 tinatayang nasa 7.4 million perigrino ang nakilahok sa Alay Lakad na kung saan pagsapit sa dambana ng Antipolo Cathedral ay nag-aalay ng panalangin ang mga nakikilahok at mga barya bilang pakikiisa sa mga layunin ng simbahan lalo kabilang na ang paglingap sa kapwa.
Noong nakalipas na taon nakalikom ng mahigit 100, 000 piso ang dambana mula sa mga baryang inialay ng mga perigrino na ginamit naman ng diyosesis upang pondohan ang pagpapatayo ng Chapel of Our Lady of Antipolo Tanay Rizal na magiging sentro ng pagpapalalim sa pananampalataya at sakramento ng simbahan lalo na ang pag-iisang dibdib.
Kasabay nitong Alay Lakad ang puspusang paghahanda ng international shrine sa nalalapit na pagsisimula ng pilgrimage season sa Mayo na magtatagal hanggang Hulyo.