18,175 total views
Muling hinihikayat ng Caritas Manila ang mga kapanalig na makibahagi sa 2025 Alay Kapwa Telethon sa darating na Lunes Santo, ika-14 ng Abril 2025.
Ngayong taon, muling makakatuwang ng social arm ng Archdiocese of Manila ang kapanalig na himpilan, Radyo Veritas 846 upang muling kumatok sa mga may mabubuting puso na magbahagi ng tulong para sa mga higit na nangangailangan.
Ayon kay Fr. Anton CT. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radyo Veritas, layunin ng taunang telethon na makalikom ng pondo upang masuportahan ang iba’t ibang programa ng simbahan, lalo na para sa mga mahihirap na apektado ng mga sakuna at kalamidad.
Kabilang sa mga makikiisa sa telethon at tatanggap ng inyong mga tawag sa telepono ang mga candidates ng Miss Universe at Mr.Filipinas.
“Layunin ng ating taunang Alay Kapwa Telethon ng Caritas Manila na itaas ang ating pananagutan sa kalagayan ng ating mga kababayang mahihirap, lalo na ang mga apektado ng mga kalamidad–gawa ng tao, gawa ng kalikasan. Suportahan po natin ang ating mga kababayan na matulungan ang kanilang mga sarili,” paanyaya ni Fr. Pascual mula sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa mga programa ng social arm ng Archdiocese of Manila ang Caritas Damayan, Feeding Program, Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP), Restorative Justice, at Sanlakbay.
Mapapakinggan ang 2025 Alay Kapwa Telethon mula 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi sa DZRV846 kHz AM, at mapapanuod sa DZRV846 facebook page, sa Veritas PH YouTube Channel, at sa Veritas TV sa Sky Cable channel 211.