189 total views
Nilinaw ng Task Force Detainees of the Philippines na mabuti ang pagiging mapagbantay o pagiging ‘vigilant’ ng mga mamamayan sa mga panlipunang usapin ngunit sukdulan at hindi naman katanggap-tanggap ang tinatawag na “vigilantism”.
Iginiit ni Sister Cresencia Lucero, Chairperson of the Board ng TFDP, ang vigilantism o ang sariling paghahatol at pagpaparusa sa mga lumabag sa batas ay isang banta sa kalayaan at demokrasya ng isang bansa na maaring mauwi sa diktaturya.
“itong “vigilantism”, to be vigilant is good but if its kung “vigilantism” na extreme na yan at nakakatakot na yan, magkakaroon talaga ng magiging fascistic na, fascism na ang susunod niyan, authoritarian na diba magkakaroon na parang diktador ka na rin, so ibig sabihin niyan, anu yan sort of declaring a martial law gagawin niya yung gusto niya lang gawin, ganun ba yun?..” pahayag ni Sister Lucero sa Radio Veritas.
Sa Pilipinas kilala ang tinaguriang Davao Death Squad o DDS na isang vigilante group na itinuturing na responsable sa mga sinasabing summary executions ng mga hinihinalang sangkot sa pagnanakaw at droga o bawal na gamot kung saan mula taong 1998 hanggang 2008 ay tinatayang nasa 1,020 hanggang 1,040 ang mga biktima ng summary executions sa lalawigan.
Kaugnay nito, sa tala ng Philippine National Police, tumaas ng 200-porsyento ang bilang ng mga napapatay sa operasyon ng pulisya kung saan umaabot na sa higit 58 ang kaso ng drug-related killings matapos ang May 9-National at Local elections.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang sinasabing gawain lalo na at paglabag sa karapatang mabuhay ang pagkitil sa buhay maging sa mga makasalanan.