294 total views
Tila binibili na ng mga negosyanteng proponents ng Manila Bay reclamation projects ang mga taong maaapektuhan nito upang maipagpatuloy ang proyekto.
Ayon kay Lou Arsenio, Ecology Ministry coordinator ng Archdiocese of Manila, binibigyan ng libreng pagkain at t-shirts ang mga tao.
Dagdag ni Arsenio may public hearing din ngayong araw sa Cuneta Astrodome upang pakinggan ang panig ng tao hinggil sa proyekto na sinasabing kinakailangan dahil hindi makakakuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang mga nais magpatuloy ng reclamation ng lugar.
“Now may public hearing sa Cuneta Astrodome (Pasay City) upang pakinggan ang hinaing ng mga tao tungkol sa proyektong ito, requirement ito para makuha ang ECC, kasamaang palad yung project proponents na gustong mag-reclaim ay namimili na ng mga tao ngayon, nagbibigay ng libreng breakfast libreng t-shirt…”pahayag ni Arsenio sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Ayon sa ecology ministry ng Arch. of Manila, matagal ng may pag-aaral na delikado ang reclamation gaya sa Mall of Asia (MOA) na unti-unti ng gumuguho ang pundasyon dahil sa malambot na pinagtirikan nito.
Hindi rin aniya totoo na nakatulong ito para maibsan ang epekto ng climate change at maging sa kabuhayan.
Dahil dito, nanawagan si Arsenio sa publiko na suportahan ang mga obispo ng Simbahang Katolika sa kanilang adhikain na matigil ang reclamation sa Manila Bay dahil sa malaking problema na idudulot nito.
“Ang MOA malawak na yan, may problemang liquefaction na diyan, na nanganganib ng dahan dahan naluluwag ang foundation ng lupa sa ilalim, dadagdgan pa nila ng 600 hektarya mula sa Paranaque at Pasay City, kaya panawagan sa mga tao na may malasakit sa kanilang mga apo at anak na makiisa at suportahan ang panawagan ng mga obsipo sa kanilang inilabas na panawagan noong 2013 na pigilan ang reclamation dahil maliwanag na sinasabi ng mga scientist na hindi nakakatulong sa kabuhayan, hindi makakatulong para maibsan ang epekto ng climate change delikado ito sa malaking lindol, 10K hectares ng lupa mula sa Cavite gagawin panambak mula sa San Nicolas shore, kabuhayan ng mga mangingisda diyan apektado.” Ayon pa kay Arsenio.
Sinasabing 26,000 hektarya ang balak i-reclaim sa Manila Bay mula Paranaque City hanggang sa Maynila kung saan nasimula na ito noong itayo ang MOA.
Sa social doctrine of the Church, kinakailangan na ang bawat proyekto ng estado, ang nakararami ang makikinabang at hindi maapektuhan ang natural na kalikasan para lamang sa pag-unlad ng iilan.