4,827 total views
Hinimok ng implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang sambayanang Pilipino na makialam at kumilos sa gitna ng kasalukuyang krisis sa pulitika ng bansa.
Ayon sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas (LAIKO), ang lumalalang tensyong dulot ng akusasyon, pagbabanta, at personal na alitan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte ay nagdudulot ng pagkakawatak-watak sa lipunan.
Binibigyang-diin ng LAIKO na bilang isang bansang mayoryang Katoliko, tungkulin ng bawat mananampalataya na huwag manahimik o maging tagamasid lamang sa harap ng mga hamon sa lipunan.
“We cannot stand idly by as words destroy reputations, lives are torn apart, and relationships are fractured. We, the Laity, are called to action. We are reminded of our vital role in addressing structural sin and fostering moral integrity in the public sphere,” pahayag ng LAIKO.
Ipinaalala ng grupo ang isinasaad sa dokumentong Apostolicam Actuositatem na misyon ng mga laiko ang pabanalin ang mundo na nag-uudyok ng aktibong pakikilahok sa mga usaping panlipunan, pampulitika, at pangkultura, alinsunod sa Kristiyanong pamamaraan.
Panawagan ng LAIKO sa lahat na talikuran ang galit, paninira, at pagkakawatak-watak, at sa halip ay pairalin ang pagkakaunawaan, pagkakasundo, at pananagutan para sa mga nagawang pagkakamali upang muling maitaguyod ang pagkakaisa sa pag-ibig ng Panginoong Hesukristo.
“Let us, as the Catholic laity, courageously fulfill our vocation to bring the light of Christ into the world—transforming conflict into peace, hatred into love, and despair into hope. Together, let us work to build a society that reflects the righteousness of God, where justice and compassion prevail over anger and discord,” saad ng LAIKO.
Una nang umapela ng panalangin ang mga obispo ng Pilipinas para sa pangingibabaw ng kahinahunan at kapakumbabaan upang makamit ng bansa ang tunay na pagkakaisa tungo sa maunlad at mapayapang lipunan.