185 total views
Inaanyayahan ni Father Robert Reyes – Spokesperson ng grupong Gomburza ang mamamayan na makiisa sa kanilang pagdarasal at pag-aayuno sa People Power Monument.
Ayon sa pari ito na ang ika-anim na araw na sila ay nananalangin at hindi kumakain upang ipakita ang kanilang pagsusulong sa iba’t-ibang suliraning panlipunan.
Nanawagan na din ang pari na kung maaari ay magkaroon din ng pag-aayuno at dasal sa ibang bahagi ng bansa upang patuloy na maipangalangin ang kabutihan ng Pilipinas.
“Aabot ang pag-aayuno at dasal sa gabi ng Pebrero 25 sa linggo, pero pwede kaming manawagan na [kung maaari ay] ipagpatuloy ng iba’t-ibang grupo sa iba’t-ibang lugar ang dasal at pag-aayuno kasi nandyan yung banta ng Charter Change. Kaya ang kompletong pangalan ng kampanya ay Dasal at Ayuno Laban sa Cha-Cha para sa demokrasya. Nanganganib po ang demokrasya pagpinalitan itong constitution ng 1987 at kung ang ipapalit nila ay hilaw at napaka raming probisyon dyan na hindi katanggap-tanggap.” pahayag ni Father Reyes.
Sa kasalukuyan kabilang sa mga nag-aayuno ang limang mga magsasaka, dalawang pari at isang madre.
Nagsimula ang pagkilos na Dasal at Ayuno noong ika-17 ng Pebrero, at layunin nito na mag-alay ng panalangin sa loob ng 9 na araw sa mismong People Power Monument na sumisimbolo sa naging pagkakaisa ng sambayanan Pilipino upang labanan ang diktadurya 32-taon na ang nakakalipas.
Kaugnay nito ilan sa mga paksang isinusulong ng grupo ang mga usapin ng Human Rights; kalagayan ng kalikasan, mga katutubo; mga mangingisda, mga magsasaka sa ilalim ng Agrarian Reform; labor Issues; Youth; Women and Gender; Soberenya; kalagayan ng mga mahihirap at ang umiiral na demokrasya sa ating bansa.
Nilinaw naman ni Father Reyes na ang pagkilos ay hindi lamang para sa mga Katoliko’t Kristyano kundi bukas rin sa mga mamamayan mula sa ibang relihiyon na mayroong parehong paninindigan at panalangin para sa kaayusan at kapayapaan ng Pilipinas.