13,583 total views
Nanawagan si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula sa mga mananampalataya na gawing tunay na tahanan ang Simbahan para sa lahat, lalo na para sa mga sugatan, nagdududa at matagal nang lumayo sa pananampalataya.
Sa kanyang homiliya sa unang araw ng Misa de Gallo sa Manila Cathedral, binigyang-diin ng Cardinal na ang Simbahan ay hindi lamang para sa mga “perpekto,” kundi para sa lahat lalo na sa mga naghahanap sa Diyos.
“Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bayan. Walang ibinubukod. Walang nalilimutan,” ayon kay Cardinal Advincula.
Ayon sa arsobispo, maraming Pilipino ang humihinto sa pagsisimba dahil sa pakiramdam ng panghuhusga at hindi pagtanggap, isang katotohanang dapat harapin ng Simbahan nang may kababaang-loob.
“Iniisip ng ilan na ang Simbahan ay para lamang sa mga perpekto. Dahil dito, marami ang lumalayo,” ani ng cardinal.
Ibinahagi rin ng cardinal ang patotoo ng isang Overseas Filipino Worker na nakatagpo ng pag-asa sa Simbahan sa kabila ng pagiging malayo sa pamilya.
Aniya, naging kanlungan ang simbahan para sa mga migrante at biktima ng digmaan at pagkakawatak-watak.
“Ang Simbahan ay naging kanlungan ng mga taong sugatan; hindi lamang ng digmaan kundi dahil naiwan at napagtaksilan,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Binibigyang-diin ni Cardinal Advincula na ang diwa ng Simbang Gabi ay paanyaya sa pagbubukas ng puso hindi lamang sa pagdating ng Pasko, kundi sa pagtanggap sa kapwa.
Hinamon din ng arsobispo ang mga mananampalataya na suriin ang sarili kung sino ang iniiwasan sa pamilya, trabaho at pamayanan, at kung paano nagiging hadlang ang pagiging sarado ng isip sa tunay na diwa ng Ebanghelyo.
“Madalas, tayo mismo ang pumipili kung sino ang ating tatanggapin. Nakikinig lamang tayo sa mga tinig na sumasang-ayon sa atin,” paalala ng cardinal.
Dalangin ni Cardinal Advincula na sa loob ng siyam na araw ng Simbang Gabi, maging isang Simbahang “tumatanggap at yumayakap” ang sambayanang Pilipino na nakikinig sa halip na humuhusga at sumasalamin sa pag-ibig ni Kristo.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na malinaw ang mensahe ngayong panahon ng paghahanda sa Pasko na ang “Simbahan ay tahanan ng lahat.”




