50,492 total views
Inihayag ni Fr. Francis Tiquia, Asia’s spiritual director ng Alliance of the Holy Family International, na ang pinakatampok na pangyayari sa kasaysayan ng pagliligtas sa sangkatauhan ay ang paghihirap at pagkamatay ni Hesus sa krus.
Ito ang binigyang-diin ng pari sa kanyang pagninilay sa ginanap na 26th Archdiocesan Communion and Reparation Vigil sa Archdiocesan Shrine of the Theotokos sa Carcar City, Cebu noong Disyembre 10–11,2025.
Ayon kay Fr. Tiquia, bagamat minsan lamang naganap ang pagpapakasakit ni Kristo, nananatili itong buhay at kasalukuyang nagiging tunay tuwing nagdiriwang ng Banal na Misa.
“The greatest action in the history of salvation is the dying of God, Jesus Christ, on the cross. The sacrifice of Christ happened only once, but because He is both God and man, it is always present and eternal,” ani Fr. Tiquia.
Hinimok niya ang mananampalataya na palalimin ang debosyon sa Banal na Eukaristiya sapagkat dito patuloy na ipinadadama ang buhay na presensya ni Kristo.
“Every time the Mass is celebrated, what transpired 2,000 years ago becomes real and present at the altar,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng pari ang mahalagang bahagi ng Mahal na Birheng Maria sa plano ng kaligtasan, lalo na ang kanyang “oo” na nagbigay daan upang magkatawang-tao si Hesus.
“Mary is essential to the divine plan of salvation because she gave us the mediator and the source of all grace,” paliwanag ni Fr. Tiquia.
Inilarawan niya ang matinding dalamhati ni Maria sa paglakad ni Hesus patungong Kalbaryo hanggang sa pagkapako sa krus, na aniya’y pagpapakitang ang Ina ay lubos na nakibahagi sa paghihirap ng Anak.
Dagdag pa niya, ang tunay na debosyon kay Maria ay hindi naglalayo sa tao mula kay Kristo kundi lalo pang nagdadala sa Kanya.
“There is no danger of loving Mary too much because she always leads souls back to Jesus,” ani Fr. Tiquia.
Tema ng pagtitipon ang “Family Consecration & Reparation, the Urgent Appeal of Our Lady of Fatima,” na nagtataguyod ng debosyon sa Alliance of Two Hearts—ang Sacred Heart of Jesus at Immaculate Heart of Mary—upang pagsisihan ang mga kasalanan at bigyang-proteksyon ang mga pamilya.
Kabilang sa mga gawain sa overnight vigil ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, pagtatanod sa Banal na Sakramento, paggawad ng sakramento ng pagkukumpisal, at pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Photo courtesy: Theotokos Shrine Cebu






