368 total views
Inaanyayahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na makiisa sa gaganaping Celebrate Asia in Manila sa September 26, 2022.
Ayon sa Cardinal, mahalagang magbuklod ang mamamayan upang pasalamatan ang Panginoon sa biyaya ng pananampalataya na tinanggap ng mga Pilipino 500 taon ang nakalipas at ipagdiwang ang ika – 50 anibersaryo ng Federation of Asian Bishops’ Conference (FABC) na bukas sa publiko.
“I would like to invite you, and your lay leaders to join me and Cardinal Chito Tagle in the said event (Celebrate Asia in Manila), admission is free,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Tampok sa Celebrate Asia in Manila ang pagpapalalim at pagninilay ng simbahan sa resulta ng isinagawang synodal consultations sa 86 na mga diyosesis sa bansa.
Magbibigay ng panayam si Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization, na unang itinalaga ni Pope Francis bilang kinatawan sa pagtitipon ng FABC sa October 12 hanggang 30 sa Bangkok Thailand.
“It also aspires to expand the experience of Synodality by joining the “Church in Asia” in building awareness, interest and sense of participation as it celebrates the 50th Anniversary of the FABC,” ayon sa pahayag.
Ang pagtitipon ay inisyatibo ng Office for the Promotion of the New Evangelization ng Archdiocese of Manila, Manila Cathedral at Pontifical Mission Societies – Philippines.
Gaganapin ang Celebrate Asia in Manila sa Manila Cathedral mula alas 8:30 ng umaga hanggang alas 12:30 ng tanghali kung saan pangungunahan ni Cardinal Advincula ang closing mass.
Samantala dadalo rin ang Permanent Council ng CBCP sa pagtitipon ng FABC sa pangunguna ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Naitatag ang FABC noong 1970 noong nagkatipon ang mga obispo ng Asya sa Manila sa pagdalaw ni Pope Paul VI sa Pilipinas.
Sa mga dadalo ng Celebrate Asia in Manila maaaring magparehistro sa website ng Office for the Promotion of the New Evangelization (www.opne.ph).