311,582 total views
Mga Kapanalig, tinanggihan ng Senado ang kahilingan ng mga isinasangkot sa flood control scandal na pansamantalang makalaya para makapagdiwang ng Pasko kapiling ang kani-kanilang pamilya.
Nagbakasakaling makakuha ng tinatawag na holiday furlough ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya at tatlong dating opisyal ng DPWH na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at Henry Alcantara. Nasa kustodiya sila ngayon ng Senado matapos i-cite for contempt. Si Discaya kasi ay nagsinungaling tungkol sa kalagayan ng kanyang misis na si Sarah, habang ang tatlong engineers naman ay hindi raw nakikipagtulungan sa mga isinagawang pagdinig ng Senado. Ayon sa Senado, maaari naman silang dalawin ng kanilang kapamilya habang nasa Mataas na Kapulungan. Para kay Senador Ping Lacson, tataas ang tsansang makatakas ang apat kung pagbibigyan silang lumabas kahit pandalian lang.
Dalawang Biyernes naman ang nakalilipas nang ilipad sa Cebu si Sarah Discaya matapos sumuko sa NBI ilang araw bago nito. Kasunod ito ng paglalabas ng korte ng warrant of arrest sa kanya at walong engineers ng DPWH para sa kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. May isang flood control project kasi ang kompanya ng mga Discaya sa Davao Occidental na binayaran ng gobyerno ng 96.5 milyong piso kahit wala naman talagang naitayo. Ghost project, sa madaling salita.
Lunes bago mag-Pasko, nagsauli sa gobyerno ng 15 milyong piso ang isa pang contractor na isinasangkot sa maanomalyang flood control projects. Ginawa ito ni Sally Santos, ang may-ari ng SYMS Construction Trading, bilang bahagi ng kanyang aplikasyon para maging state witness. Nauna na siyang nagsauli ng limang milyong piso. Partial restitution lang daw ito kaya may susunod pa; ang kabuuang halaga ay batay sa royalty fees na nakulimbat ni Santos mula sa tinatawag na “hiram lisensya” scheme.
Samantala, nagulantang ang marami sa nangyari kay DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral. Nakikiramay tayo sa kanyang pamilya, at dasal natin ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa. Susi sana si Usec Cabral sa iskandalong kinasasangkutan ng ahensyang pinaglingkuran niya ng napakahabang panahon, pero nangako naman ang gobyerno na patuloy na uungkatin ang kaugnayan niya sa isyu.
Hindi maikakailang malaki ang papel ng mga kontratista at opisyal ng DPWH sa katiwalian sa mga flood control projects. Pero bakit walang napananagot na mga mambabatas—congressman man o senador—na nagpahintulot sa bilyung-bilyong pisong budget sa mga flood control projects para din sa kanilang kapakinabangan? Bakit walang humahabol sa mga tumanggap ng kickback mula sa mga ghost at overpriced na flood control projects? Bakit maliliit na isda lang ang nasasabat? Nasaan ang malalaking isda?
Ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian ay mahalagang pagsasabuhay ng katotohanan at katarungan sa lipunan—mga bagay na pinahahalagahan natin sa pananampalatayang Kristiyano. Itinuturing nating saligan ng katotohanan at katarungan ang accountability o pagpapanagot at ang transparency o pagiging bukás sa publiko ng lahat ng ginagawa ng mga nasa gobyerno. Kung wala ang mga ito sa pagharap natin sa isyu ng katiwalian sa mga flood control projects, naglolokohan lang tayo. Hindi lalabas ang totoo at walang katarungang makakamit kung ang mga maliliit na isda lang ang hinahabol ng batas. Una sa lahat, ang pagtanggap ng malalaking isda ng suhol, pahiwatig nga sa Mga Kawikaan 17:23, ay pagkakait ng katarungan.
Mga Kapanalig, sa pagpasok ng bagong taon, hiling natin na may kahinatnan ang panawagan ng taumbayan na panagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa mga flood control projects. Huwag tayong makuntento sa pagkakahuli sa mga kinasangkapan ng mga ganid na pulitiko at sa pagsasauli ng barya kumpara sa bilyun-bilyong ninakaw mula sa kaban ng bayan. Manatiling mapagbantay. Manatiling sangkot.
Sumainyo ang katotohanan.




