2,126 total views
Pinarangalan ng Jesuit Music Ministry (JMM) ang mga bagong kompositor ng awiting pansimbahan sa kauna-unahang “Purihi’t Pasalamatan” National Songwriting Competition, isang inisyatibong layuning paunlarin ang liturgical music at hikayatin ang kabataan na ipahayag ang pananampalataya sa pamamagitan ng musika.
Ayon kay Fr. Emmanuel Alfonso, S.J., Director ng Jesuit Communications (JesCom), mahalagang mabigyang-pansin ang paglikha ng mga bagong awitin para sa simbahan, lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
“We sing our faith. So kailangan talaga gumawa rin tayo ng mga kanta. Dahil ang mga Pilipino, our faith is really part of our lives. Yung music natin ay bahagi ng ating pananampalataya,” pahayag ni Fr. Alfonso sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin ng pari na bahagi ng misyon ng JesCom at JMM ang pagpapalawak ng liturgical music bilang isang natatanging genre sa bansa.
“This competition is also to empower the young people and inspire them to compose, write songs, and sing songs about our faith,” saad ng pari.
Dagdag ni Fr. Alfonso, bilang media at music arm ng mga Heswita, sisikapin ng JesCom at JMM na magbigay ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataang kompositor at mang-aawit na nais mag-ambag sa pagpapayabong ng pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang talento sa musika.
Itinuturing din ng mga organizer ang “Purihi’t Pasalamatan” bilang pagpupugay sa legasiya ni Fr. Eduardo P. Hontiveros, S.J., na kinikilalang “Father of Filipino Liturgical Music.”
Si Fr. Hontiveros ang lumikha ng ilang tanyag na awiting pansimbahan gaya ng “Pananagutan” at “Hesus na Aking Kapatid,” na patuloy na inaawit sa mga Misa hanggang sa kasalukuyan.
Mula sa 149 entries, anim ang napili bilang finalists at tatlo ang itinanghal na nagwagi:
Grand Winner: “We Come to You” nina Anthony Go Villanueva at Joel Zaporteza, inawit ng Kammerchor Manila (₱100,000 premyo at plaque of recognition)
Second Place: “Umawit ang Sambayanan” ni Jay-El Viteno, inawit ng Eastern Chamber Singers (₱50,000 at plaque of recognition)
Third Place: “Tayo’y Magsiawit at Magpuri” ni Erwin Vargas, inawit ng Ambassadors of Christ Chamber Singers (₱30,000 at plaque of recognition)
Kabilang sa iba pang finalists ang mga sumusunod na awitin:
“Halad Pasalamat” ni Jundel Bacalso (LYRe)
“Ang Among mga Halad” nina Bryan Angelo Bisin at Nathaniel Cabanero (Koro Cresendo)
“Magtipon Bayan ng Diyos” ni Fr. Leo Alaras, OAR (Coro Recoleto)
Sa preliminary round, nagsilbing hurado ang mga kompositor at church musicians na sina Norman Agatep, Kenneth Dacanay, at Aldo Joson.
Pinangunahan naman ni Fr. Manoling Francisco, S.J. ang Final Board of Judges, kasama sina Prof. Alejandro Consolacion II, Dra. Maria Theresa Vizconde-Roldan, Prof. Jude Roldan, Fr. Fruto Ramirez, S.J., at Fr. Nemesio Que, S.J.
Ipinahayag ni Fr. Alfonso ang kanyang pag-asa na magsilbi ang kompetisyon bilang simula ng mas maraming ganitong patimpalak sa bansa.
“Sana, sa pamamagitan ng musical competition na ito, mas dumami pa ang mga patimpalak para sa liturgical music. At sana, magtagal pa itong proyekto,” aniya.
Ang awarding ceremony ay ginanap sa Kalle 5 Restaurant, Bagumbayan, Quezon City, noong October 22, 2025, na dinaluhan ng mga finalists, hurado, at kinatawan mula sa Jesuit Music Ministry.